top of page
FRANKLY - PATRICK, IBINULGAR NA TODO-REACH OUT KAY JENNYLYN NU’NG BUNTIS, SHOCKED NA BF NA

Tapos nang bantayan ang halalan… COVID-19 cases naman!

BULGAR
May 13, 2022
2 min read

ni Ryan Sison - @Boses | May 13, 2022


Matapos ang araw ng botohan, mahigpit na binabantayan ng mga eksperto ang muling pagtaas ng COVID-19 cases.


Ayon sa isang infectious disease specialist, posibleng makita ang pagtaas ng mga kaso, isa hanggang dalawang linggo matapos ang halalan.


Matatandaang, unang nagbabala ang mga health expert sa posibilidad ng muling pagtaas ng bilang ng mga kaso dahil sa super-spreader events, tulad ng campaign rallies at kumpulan ng mga tao sa mga presinto.


Kaugnay nito, aminado ang Department of Health (DOH) na nalabag ang minimum public health standards sa ilang lugar sa bansa. Marahil, ito ay dahil sa aberyang naranasan sa ilang polling precinct kaya’t hindi naiwasang maipon ang mga botante sa iisang lugar, kung saan ang ilan sa mga ito ay nagtatanggal na ng face mask.


Gayunman, umaasa ang mga eksperto na hindi magiging mataas ang bilang ng mga magkakasakit dahil sa bakuna at booster.


Samantala, iginiit ng DOH na malinaw na pandemya pa rin ang isa sa mga matinding kakaharapin ng susunod na administrasyon. Mahalaga umanong mapaigting ang primary healthcare ng Pilipinas, na pundasyon ng universal healthcare.


Bagama’t hindi nakagugulat kung may pagtaas ng bilang ng COVID-19 cases, ‘di puwedeng maghintay na lang tayo na mangyari nga ito.


Ilang tulog na lang at opisyal nang matatapos ang halalan, pero ‘di ito nangangahulugan na balik na sa normal ang lahat.


Hindi pa tapos ang laban sa pandemya, kaya pokus tayo ulit sa pagtugon dito — mamamayan o pamahalaan, lahat tayo ay may obligasyon.


Siyempre, kailangang ipagpatuloy ang mga pag-iingat, anumang alert level ang umiiral sa ating lugar. At pakiusap sa mga kinauukulan, dapat bantay-sarado ang naitatalang COVID-19 cases, tumaas man ito o hindi. Gayundin, sana’y magpatupad ng mga aksiyon sa lalong madaling panahon.


Hindi tayo nega, ang punto lang natin, mas mabuti nang maging handa tayo sa anumang mangyayari kaysa naman mangapa pagdating ng panahon.

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.co

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page