Tapos na ba o nakalimutan lang ang COVID-19?
ni Fr. Robert Reyes - @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | May 28, 2022
Lahat na lang ay tumaas ang presyo. Ang gulay, isda, karne, baboy, semento, bakal, pintura at kung anu-ano pang kailangan sa buhay. Malinaw na may kinalaman ito sa taas-baba ng presyo ng krudo at gasolina na naglalaro na sa P 75.00 hanggang P 77.00 kada litro.
Bagama't malinaw ang kaugnayan ng pagtaas ng lahat ng presyo ng mga pangunahing pangangailangan sa pagtaas ng presyo ng gasolina at krudo, meron pang isang tagong dahilan. Bagama't bawal pa ring lumabas na hindi naka-face mask, halos wala nang anumang bawal kumpara sa napakaraming ipinagbabawal ng Inter-Agency Task Force on COVID-19.
Kung kayang kalimutan ang nangyari noong 1972, pagkaraan ng 50 taon, higit na madaling kalimutan ang nangyari noong Marso 2020 o humigit kumulang pagkaraan ng dalawang taon lamang.
Tila nagsisimula nang makalimot ang marami sa COVID-19. Kitang-kita ito sa pagdagsa ng mga tao sa mga lugar na dati'y bawal puntahan – kainan, sinehan, mall, park, airport, kalye at kung saan-saan pa.
Nagbabalik na rin ang pamamasyal sa mga magagandang lugar sa ating bansa. Balik-Boracay na ang sigaw ng marami. Usong-uso na ang “staycation” sa mga hotel. At kapag gumastos ang marami parang galit na galit ang mga ito, kaya’t nabuo rin ang salitang “Revenge Spending".
Opo, napakahirap makulong, mapagbawalang lumabas sa mga sunud-sunod na lockdown subalit napakahalaga nito sa proteksyon ng mga mamamayan. Meron ngang hindi lumalabas na dinadapuan ng COVID-19. Bakit? Paano? Eh di dahil sa mga lumalabas na pagbalik ay merong baong virus na masaganang ibinabahagi sa mga walang kamalay-malay na nahawa sila.
Walang masamang intensyon ang mga naturang “carriers” o “tansmitters” ng virus subalit, napakalaki ng papel ng mga ito sa pagpapalaganap ng tahimik, marahan ngunit tunay na makamandag na kamatayan.
At ngayong paulit-ulit nang sinasabing mababa na ang banta o panganib na mahawa muli sa COVID-19, lalong kumikibit balikat na ang marami at masigasig sa pagbabalewala sa virus. Ngunit, kailangan pa rin nating pag-usapan ang tanong, “Tunay bang tapos na ang banta ng COVID-19?”
Para sa mga namatayan dahil sa COVID na hanggang ngayon ay nahihirapang tanggapin ang pagkawala ng kanilang mahal sa buhay, hindi mahirap maalala at bigyan pa rin ng pansin ang banta ng COVID. Kung namatay sa virus ang mahal sa buhay o kasama natin sa tahanan, pamayanan o trabaho, hindi ganu'n kadali sa atin ang kalimutan ang COVID-19.
Noong isang hapon, niyaya tayo ng isang kaibigang doktora na sumabay na sa kanyang kasambahay sa pagtanggap ng pangalawang “booster shot”. Kailangan lang dalhin ang COVID vaccination card na sinasabi kung kelan at saan ko tinanggap ang una at pangalawang iniksyon ng bakuna sampu ng record ng pang-unang booster shot.
Sinovac ang tinanggap ko sa National Red Cross headquarters sa Mandaluyong noong ika-12 ng Abril 2021 at ika-20 ng Mayo 2021. Tinanggap ko naman ang unang booster (Pfizer) noong ika-20 ng Disyembre 2021 sa Pinyahan Elementary School, Barangay Pinyahan, Quezon City. At noong nakaraang Miyerkules, tinanggap ko na rin ang ikalawang booster shot sa isang ospital sa Quezon City din.
Habang tinatanggap ko ang ikalawang booster shot, maraming magaganda, makabuluhan at masasakit na alaalang bumabalik tungkol sa COVID-19.
Naalala ko ang pagtataya sa paglilingkod sa mga natatakot at nagugutom noong kasisimula pa lamang ng pandemya.
Nag-ikot, dumalaw, nagdala ng pagkain at ayuda sa mga pamayanan. Nagbasbas sa mga namatayan bagamat mga urn na lamang ang binabasbasan dahil karamihan ay na-cremate na.
Kasabay pa ng mga nagkasakit, nanghina at namatay, dinalaw at kinalinga ang mga biktima ng EJK sa paligid ng parokya.
Sa hindi inaasahang pagkakataon, naalala ko rin ang aking pagkaka-ospital at paggaling sa COVID-19. Ganundin ang pagkaka-ospital at pagkamatay ng aking sariling ina dahil din sa pandemya.
Napakahirap makalimutan at balewalain ang pandemya. Dama ko ito sa aking laman at kalooban. Nararapat lang laging ilagay ko sa aking harapan ang masakit at mapanganib na banta ng pandemya.
Ano kaya’t nadamay na rin ang pananaw at pagtugon sa mga banta sa kalusugan ng pandemya ng sistematikong pagkalimot sa 50 taong kasaysayan ng ating bansa?
Mukhang hindi ang pagpapabaya sa banta at peligro ng pandemya ang problema, kundi ang pagkalimot, ang pagkawala ng kamalayan sa banta at panganib ng pandemya.
Kung merong fake news, meron ding fake health o ang mapanganib na kapabayaan sa kalusugan ng sariling katawan at sa katawan ng marami.





Comments