ni GA @Sports | January 8, 2024
Napurnada man ang pinupuntiryang game plan ni dating IBF at WBA junior-featherweight champion Marlon “Nightmare” Tapales kontra kay two-time undisputed at super-bantamweight titlist Naoya “Monster” Inoue, subalit nasilip nito ang kahinaan sa bodega ng undefeated Japanese Pound-for-Pound star sa kanilang unified bout nitong nagdaang Disyembre 26 sa Ariake Arena sa Tokyo, Japan.
Maituturing ni Tapales (37-4, 19KOs) na isa sa pinakamahuhusay at pinakamagaling na boksingero ang Japanese boxer na sinubukan niyang sabayan at matumbahin para sa pangarap na maging kauna-unahang Filipino na nag-uwi ng undisputed titles sa four-belt era. Ngunit sadya umanong mabilis at mataas ang Intelligent Quotient (IQ) ni Inoue (26-0, 23KOs) kaya’t nahirapan rin itong sabayan sa banatan sa 12-round battle na nagtapos sa 10th round technical knockout.
“Magaling at mataas ang IQ, yung footwork at bilis niya at madaling maka-adjust sa laban. Yung suntok kaya naman, kaso sa dami na rin ng suntok na pumasok, talagang mahihilo ka talaga,” eksplika ni Tapales sa programang Power N’ Play ni dating PBA commissioner at PSC chairman Noli Eala. “Talagang tinamaan talaga ako tsaka nahirapan ako sa style niya, kase mabilis siya pero ‘di ko masabayan, gusto ko sabayan pero di ko makuha.”
Pangunahing target ng kanilang kampo na masabayan sa suntukan ang 30-anyos mula Zama, Kanagawa upang makatyempo ng knockout, subalit matibay umano ang four-division World titlist. “Ang game plan namin ay sabayan yung suntok ni Inoue para makatama kami ng clean shot at may tsansang mapabagsak siya. Eh matibay rin yung hapon,” pahayag ng 31-anyos mula Tubod, Lanao del Norte.
Subalit napansin nitong may kahinaan ang unbeaten boxer, na nagpatulog sa maraming Pinoy boxers, sa kasagsagan ng kanilang upakan, kaya’t sinubukan nitong bumitaw ng mga patama katawan nito. “Kapag sinusuntok rin siya sa katawan, tumatakbo rin siya, nasasaktan rin siya,” pagbubunyag ni Tapales. “Sinubukan ko na, gusto kong pasukin na makasuntok at makatama ng maganda sa bodega niya pero sabi ko nga mabilis si Inoue, nahihirapan ako.”
Commenti