top of page
TALKIES - “HINDI MASAMA NA BUMILI NG MAHAL KUNG AFFORD MO” - HEART_IG _iamhearte.jpeg

Taong tres na dudang sasaya sa ikalawang pag-ibig

BULGAR
Oct 18, 2022
3 min read

ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Numero| October 18, 2022

Dear Maestro,


Bagong tagasubaybay n’yo ako at may nabasa ako sa inyong artikulo na nabibigo sa pag-ibig ang mga taong isinilang sa petsang 3, lalo na ang tulad ko na Aquarius. Nalulungkot ako dahil tres (3) ang birth date ko, February 12, 1994 ang birthday ko.


Hindi n’yo naitatanong, dumanas din ako ng kabiguan sa pag-ibig, kung saan minahal ko nang labis ang isang lalaking naging bahagi ng buhay ko nang mahabang panahon, pero sa bandang huli, sa ibang babae siya nagpakasal. Ngayon, natatakot akong mabigo ulit sa pag-ibig dahil ayaw ko nang masaktan pang muli.


Minsan, naiisip ko na napaka-unfair naman ng kapalaran — itinakda na bang magdusa o mabigo sa love life ang mga tulad ko na Taong Tres na may zodiac sign na Aquarius?


Kung oo, may pag-asa bang maiwasan ang mga nasabing kalungkutan at kabiguan kung iibig akong muli?


Umaasa,

Julie Anne ng Bagbag, Novaliches, Quezon City


Dear Julie Anne,

Tandaang hindi talaga patas ang kapalaran o karanasan ng bawat tao. Bagama’t masakit tanggapin ang katotohanan, hindi mo ‘yan dapat ipagtaka, bagkus, maluwag sa loob mong tanggapin ang katotohanang ito. Gayunman, sa kabila ng hindi patas na kapalaran, mapapansin din na ang bawat nilalang ay may katangi-tanging kapalaran o kakaiba sa kanyang kapwa.


‘Ika nga ni Kuya Manoling, “May kani-kanyang pasanin ang bawat isa at ang kapalarang ito ng bawat tao ay ayon sa nagdaan niyang karma, bago pa siya isinilang sa kasalukuyan niyang buhay.”


Halimbawa, ang mga Taong Tres na palaging dumadaan sa pagsubok at kalungkutan sa pag-ibig, ang totoo, binigyan sila ng ganu’ng kapalaran. Kumbaga sa bakal, upang mapanday at maging espada, tumatalas at nagkakaroon ito ng bisa sa kakapukpok ng panday sa nagliliyab na bakal.


Ganundin sa kabiguan sa pag-ibig para sa mga Taong Tres, sa bawat mali o palpak na pakikipagrelasyon, bagama’t may sugat at hapding dulot, dapat din itong mag-iwan sa kanila ng aral upang sila ay matuto ng wasto at pratikal na pag-ibig.


Kumbaga, lahat ng kawalan ng katarungan sa mundong ito ay may katapat na pagkakataon sa isang tao na maging banal. Sa ibang salita, lahat ng kahinaan, kabiguan, pagtatalusira ng minamahal, kalungkutan at pagluha ay may katapat na kabutihan, na kusa mong made-develop sa panahong ikaw ay dumadaan sa mabibigat na pagsubok sa buhay. Lahat ay may pagsubok o pasanin, kung saan si Jesus na itinuturing nating Diyos ay dumaan din sa napakaraming pasakit at pagsubok.


Sabi nga ng philosopher at dakilang pintor na si Leonardo da Vinci, “There is no perfect gift without great suffering.” Oo, kailangang magdusa upang magkaroon ng mas maunlad at maligayang buhay.


At sa totoo lang, wala namang indibidwal sa mundong ito na puro tagumpay at ligaya lamang ang napapala. Ano pa’t tulad ng paulit-ulit na nasabi na, may kabiguan, pagdurusa, injustices o kawalan ng katarungan, upang ang nasabing mga negatibong karanasan ang magdadala sa isang tao sa mas produktibo at maunlad na personalidad at mas maligayang buhay.


Gayundin, hindi lang naman ang mga Taong Tres ang nakakaranas ng kawalan ng katarungan sa mundong ito, bagkus, nagkataon lang na nangyari ito sa pag-ibig n’yo, pero ang mga Taong Kuwatro (4) at Otso (8) ay nakakaranas din ng injustices sa aspetong pamilya.


Lahat ng numero at indibidwal ay may kani-kanyang pangit na kapalaran, kumbaga sa assignment o takdang aralin, ang bawat isa ay may sariling paraan upang mapaganda at mapaligaya ang kanyang buhay sa kabila ng mga pangit na nakatakdang kapalaran.


Sa kaso mo, Julie Anne, matapos ang kabiguan sa iyong first love na masasabing lumipas na, tiyak ang magaganap sa susunod na taong 2023 — sa ikalawang pakikipagrelasyon at sa edad mong 29 pataas, hatid ng lalaking isinilang sa zodiac sign na Libra, sa larangan ng pag-ibig at pakikipagrelasyon, tuloy-tuloy ka nang magtatagumpay at habambuhay na magiging maligaya.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page