top of page
BULGARY - SEN. ROBIN, MAY P150 M AMBAG SA PHIL. FILM HERITAGE, BUILDING ‘DI PA RIN NATAPOS

Taong singko, dapat na mag-apply sa abroad para sure na yumaman

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Jan 31, 2024
  • 3 min read

ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran Ayon sa Inyong Numero | January 31, 2024


Dear Maestro,


Ako ay isang katulong, dati na akong nakapag-abroad, pero hindi ako pinalad noon na makapag-ipon. Kaya pagbalik ko rito, kung ano ang trabaho ko noong ako’y umalis, ‘yun din ang dinatnan kong trabaho. Katulong ulit ako ngayon at kahit kaunting kaginhawaan ay wala akong naranasan. Sa ngayon, nag-a-apply ulit ako sa abroad, pero hindi ko na alam kung makakaalis pa ako. 


Maestro, pakisuri naman ang aking kapalaran kung may pag-asa pa akong makapag-abroad, sabi n’yo kasi ang mga Taong Singko (5) ay pinapalad sa pangingibang-bansa. Sa edad kong 36, may pag-asa pa ba itong mangyari? Isa pa, hanggang ngayon ay dalaga pa rin ako. Nagka-boyfriend naman ako pero naghiwalay din kami. Kailan kaya ulit ako magkaka-boyfriend? Ang birthday ko ay April 5, 1987.

Umaasa,

Jean ng Landas, Mangaldan, Pangasinan

 

 

Dear Jean, 


Kung isang beses ka palang nakakapag-abroad, tulad ng madalas nating sabihin, ang mga taong naiimpluwensyahan ng numerong 5, 14 at 23 ay dapat hindi tumitigil sa pag-a-apply sa ibang-bansa upang maabot nila ang “maximum potential” na dulot ng numero nilang singko.


Ang ibig sabihin ng maximum potential, kumbaga sa turo ni Og Mandino sa kanyang best seller na librong The Greatest Salesman in the World, “Babanatin ko ang aking mga buto hanggang sa ito ay humiyaw ng saklolo. Kapag walang nangyari, magtatangka ako nang magtatangka, sapagkat batid kong sa paisa-isang taga sa malaking punong kahoy, bubuwal din ito sa katataga. Ang langgam ay umuubos ng malaking tigre na natagpuan nilang patay sa disyerto. Ang nagtayo ng pyramid ay unti-unting naghakot ng mga bato sa malayong lugar, kung kaya’t naitayo ang dakilang pyramid. Sa painut-inot na pagtatangka, araw-araw, ako'y magwawagi, magtatagumpay at mananaig!”


Ganyan ang dapat mong gawin upang magtagumpay, kung saan para kay Og Mandino, hindi dapat maglubay at mamahinga. ‘Ika nga niya, “Kakatok ako sa mga pintuan ng bahay na walang kumakatok. Sa oras na namamahinga ang iba, ako naman ay gagawa nang gagawa at higit na malaki ang halaga na aking aanihin at mapapala!”


Ganu’n ang gawin mo, Jean. Huwag kang tumigil sa pag-a-apply sa abroad, hanggang sa humiyaw ang iyong mga buto ng saklolo at sa ganu’ng pagpupumilit na magtagumpay, sa bandang huli ay makakamit mo rin ang maximum potential na nakalaan sa mga Taong Singko – walang tigil kang makakapag-abroad hanggang sa tuluyan ka ng yumaman at magtagumpay.


Bukod sa pag-a-abroad, ang isa pang nagpapayaman sa mga Taong Singko ay ang hindi sinasadyang pag-aasawa ng mayaman. Pero minsan, kahit hindi gaanong mayaman ang napangasawa nila, basta Taong Singko o Otso, sa nasabing pag-aasawa ay sinusuwerte pa rin. 


Kaya ngayon palang, simulan mo na muling mag-apply sa abroad at habang ginagawa mo ito, hindi mo rin dapat kalimutang luminga-linga sa mga lalaking nagpaparamdam o umaaligid sa iyo. Baka naman kasi may lalaking may gusto sa iyo na hindi mo napapansin o lalaking may bitbit na numerong 5, 14 at 23 ang tine-take for granted mo, pero siya na pala ang dapat mong maging boyfriend at mapangasawa upang lalong bumilis ang pag-unlad at pagyaman mo, habang ayon sa Decadens ng Kapalaran, sabay-sabay na magaganap ang magandang kapalaran sa iyong karanasan sa taong 2024 hanggang 2025. Sa panahong ‘yun, tulad ng naipaliwanag na, muling itatala sa karanasan mo ang pangingibang-bansa at sa sandaling nasa abroad ka na, matatagpuan mo na rin ang lalaking Taong Singko na makakasama mo habambuhay na siya ring makakatulong sa iyo upang lalo pa kayong umunlad hanggang sa yumaman nang yumaman.

 

 


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page