Taong Siete na mahina ang loob, dapat sumunod sa payo ng bff na may strong number
- BULGAR
- Oct 27, 2022
- 2 min read
ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Numero| October 27, 2022
Dear Maestro,
Malungkot ang buhay ko dahil nahihiya akong manligaw, kaya umabot ako ng edad 33 nang single at ang akala ko ay hindi na ako magkaka-girlfriend, hanggang may isang babae na dumating sa buhay ko. Isa siyang tindera sa tindahan ng best friend ko na tawagin na lang nating Jhun.
Sabi ni Jhun, palagi lang akong tumambay sa tindahan nila, na sinunod ko naman hanggang sa naging kami ni Ella. Akala ko, siya na ang makakatuluyan ko, pero nang umuwi siya sa probinsya ay hindi na siya bumalik at dalawang buwan na ang nakakaraan. Sabi ni Jhun, kung talagang mahal ko si Ella, puntahan ko siya sa Bicol at sasamahan niya ako. Gayunman, pinanghihinaan ako ng loob dahil baka kung ano lang ang mangyari amin du’n at magsayang lang kami ng pamasahe tapos matuklasan naming may iba na siyang boyfriend o nag-asawa na pala siya.
Sa ngayon ay naguguluhan at nalilito ako. Ano ba ang dapat kong gawin? Sana ay mapayuhan n’yo ako. Kami na ba ni Ella ang nakatakda o may iba pang babaeng darating sa aking buhay o nakaguhit na ba sa aking kapalaran ang tumandang binata at nag-iisa habambuhay?
September 16, 1989 ang birthday ko, habang April 29, 1995 naman si Ella.
Umaasa,
Ron ng Silangan, Cubao, Quezon City
Dear Ron,
Kung hindi mo lalakasan ang iyong loob, posibleng mangyari ang kinakatakutan mo — ang tumandang binata at manatiling nag-iisa habambuhay.
Hindi mo napansin, ayon na rin sa takbo ng kuwento mo, may suwerteng dulot sa iyo ang kaibigan mong si Jhun, kung saan maaaring nagtataglay siya strong number, tulad ng 9, 18, 27, 1, 10, 19, 28, 8, 17 at 26. Hindi ba, siya ang nagpayo sa iyo na tumambay ka sa kanilang tindahan at nang sumunod ka sa kanya, naging girlfriend mo si Ella?
Ngayon, bakit nagdadalawang-isip kang sumunod ulit sa payo ni Jhun na puntahan n’yo sa probinsya si Ella?
Kaya tulad ng naipaliwanag na, sumunod ka ulit sa payo niya at makikita mo na dahil compatible ang zodiac sign mong Virgo sa zodiac sign na Taurus ni Ella, gayundin ang birth date mong 16 o 7 (ang 16 ay 1+6=7) at birth date niyang 29 o 2 (ang 29 ay 2+9=11/ 1+1=2) — basta sumunod ka sa payo ng mga taong may strong number na binanggit sa itaas — posibleng sa susunod na taong 2023 o maaaring mas maaga pa at sa edad mong 33 pataas, hindi imposibleng makapag-asawa ka, magkaroon ng sariling pamilya at habambuhay nang lumigaya.
Tandaan, kapag weak number ang birth date ng isang indibidwal tulad mo, wala siyang dapat gawin kundi sumunod sa ipinapagawa ng mga taong may strong number. Kapag nagkataong positibo at mabuting bagay ang inuutos sa indibidwal na may weak number, tiyak na tuloy-tuloy na siyang magkakamit ng magagandang kapalaran.
Kaya wala kang dapat gawin ngayon habang nalalapit ang Kapaskuhan kundi sunduin at puntahan n’yo si Ella sa Bicol. Dahil sa muli n’yong pagtatagpo, tiyak na muling mabubuo ang mainit at wagas na relasyon, na hahantong sa pagtatayo ng maligaya at panghabambuhay na pagmamahalan.



Comments