Taong Nueve, ‘di dapat pairalin ang pride kung pangarap yumaman
ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Numero| November 20, 2021
Dear Maestro,
Kahit puro hirap ang naranasan ko mula pagkabata ay hindi pa rin ako sumusuko o pinanghihinaan ng loob upang tuparin ang aking mga pangarap. Sa totoo lang, ang pangarap ko talaga sa buhay ay ang yumaman. Kaya kung papipiliin ako kung saan ano mas gusto kong tagumpay, sa love ba o career, career pa rin ang pipiliin ko para yumaman ako.
Kaya ang tanong ko, Maestro, yayaman ba ako at ano ang dapat kong gawin upang matupad ang pangarap kong ito? At pakianalisa na rin ng aking pirma kung may dapat pa akong ayusin o baguhin. March 9, 2001 ang birthday ko.
Umaasa,
Sally ng Gulod, Laurel, Batangas
Dear Sally,
Maganda na sa edad mong 20 ay nangangarap ka nang yumaman. Hindi ito masama, dahil ang birth date mong 9 sa destiny number na 6 at zodiac sign na Pisces ay sadyang maraming ambisyon sa buhay, na kapag hindi naibuhos lahat ang enerhiya sa iisang gawain, hindi naman sa mabibigo kundi matatagalan bago yumaman.
Ang problema kasi sa mga Taong Nueve (9), na nagkataong Pisces pa ang zodiac sign ay hindi sila nakakakilos nang suwabe sa kanilang mga pangarap, hilig at gustong gawin.
Kahit sila mismo ay hindi malaman ang dahilan kung bakit hindi sila makakilos.
Bagama’t minsan ay nakakakilos sila, hindi naman smooth o maayos ang kanilang diskarte.
Ang totoong dahilan, minsan kasi, ang mga Taong Nueve ay ma-ego o may itinatagong kayabangan sa katawan at kapag hindi nawala ito, tulad ng nabanggit, matatagalan bago sila magtagumpay.
Samantala, dapat sa isang Taong Nueve ay hindi maging conscious sa kanyang mga ginagawa.
Sa halip, tulad ng sundalo, ginawa niya lang ang isang bagay, hindi dahil gusto niyang sumikat o magyabang, bagkus ay iniutos lamang sa kanya ng nakatataas. Kapag ganu’n ang naging diskarte ng Taong Nueve sa bawat pangarap at pagkilos niyang ipatutupad, walang ego o hindi kasali ang kanyang pride, sa halip ay trabaho lang, kusa niyang malalasahan ang malaki at masarap na tagumpay.
Upang mas mabilis mong makamit ang iyong mga pangarap, Sally, kung ikaw ay estudyante ngayon, pagbutihin mo muna ang iyong pag-aaral at tapusin ang iyong kurso, pagkatapos ay pumasok ka sa isang magandang kumpanya at i-practice mo ang iyong propesyon. Huwag kang magmadaling mag-isip kung paano yayaman, sa halip ay ibuhos mo muna ang iyong sipag at tiyaga sa kasalukuyang career na iyong inaaturga.
Sapagkat sa sandaling dedikado ka sa iyong ginagawa o propesyon, kusa itong magbubunga ng pagyaman at pag-unlad.
Tandaan ding hindi minamadali ang pagyaman dahil tulad din ‘yan ng mabuting kapalaran na kung suweto at handa na ang pagkatao ng isang nilalang, ang positibo at mabuting kapalaran ay kusa namang napupunta sa kanya, kagaya rin ng kasabihang, “Sa taong buo ang loob, ang pagyaman ay lubos.”
Samantala, pangit o medyo magulo ang iyong lagda, kaya baguhin mo ito nang bahagya.
Buhayin mo ang mga letra o salita at tapusin mo ito sa tuwid na guhit. Sa ganyang pirma, hindi na patong-patong ang mga letra at tinapos sa tuwid na guhit at pagkatapos ay palagi ka pang magsusuot ng mapalad mong kulay na berde at pula, mas madali mo nang makakamit ang pangarap mong yumaman at ito ay nakatakdang maramdaman sa taong 2034 sa edad mong 33 pataas.




Comments