Taong Kuwatro, makakapag-abroad dahil sa kaibigang OFW
ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Numero| November 13, 2022
Dear Maestro,
Sa edad kong 37, may pag-asa pa ba akong makarating sa ibang bansa at makapagtrabaho bilang katulong du’n? Dumating ang aking kaibigan na galing Dubai at ilang beses na siyang nagpapabalik-balik du’n. At nitong huli, nang siya ay pumunta ulit sa Dubai, nakapag-asawa na siya ng isang foreigner na may negosyo ru’n.
Ang sabi niya sa akin noon, sa sandaling ikinasal sila ng boyfriend niya ay kukunin niya ako at tutulungang makapagtrabaho ru’n. Tutuparin ba ng kaibigan kong ito ang kanyang pangako na isasama niya ako sa abroad at ihahanap niya ako ru’n ng magandang trabaho?
Sa ngayon, nagtatrabaho ako bilang katulong ng mga magulang niya na nandito sa Pilipinas. October 10, 1988 ang birthday ng kaibigan ko, habang ako isinilang noong April 4, 1985, compatible ba kami at matutulungan niya ba ako para makapunta ng Dubai at kung makakapunta ako ru’n, magiging maganda ba ang kapalaran ko ru’n?
Umaasa,
Darling ng Bagbaguin, Valenzuela City
Dear Darling,
Madalas, sa hindi inaasahang pagkakataon ay ang mga kaibigan natin ang nagiging blessing sa ating buhay at minsan, sila rin ang hindi sinasadyang nagpapahamak sa atin.
Ganu’n talaga ang buhay dahil kadalasan ay hindi mo naman mapipili ang kaibigan.
Kumbaga sa kamag-anak, kusa lang din silang dumarating sa ating karanasan. Ang kaibahan lamang ng kaibigan sa kamag-anak, ang kaibigan ay puwede mong iwasan, pero ang kamag-anak, kahit ano’ng iwas, mananatili siyang kadugo habambuhay.
Samantala, nakakatuwang isipin na compatible ang birth date mong 4 sa birthday ng kaibigan mo na 10 o 1 (ang 10 ay 1+0=1), kung saan kadalasan, ang mga may dala ng numerong uno (1) tulad ng 1, 10, 19, at 28 tulad ng kaibigan mo ay siyang nakakatulong sa mga taong may numerong kuwatro (4) tulad ng 4, 13, 22 at 31 tulad mo, kaya walang duda na bibigyan ka niya ng suwerte at sa kabilang banda, suwerte ka rin sa kanya.
Hindi lang ang numerong 1 at 4 ang magkatugma, sa halip, ang zodiac sign mong Aries ay angkop din sa zodiac sign na Libra ng iyong kaibigan, sapagkat ang Aries at Libra ay “complementary compatible” sa isa’t isa. Ibig sabihin, ang mga bagay na nawawala sa iyo ay maibibigay niya, habang ang mga bagay na hinahanap niya ay matatagpuan naman niya sa iyo. Ang ikinaganda pa nito, ikaw din ang huhusto sa kanya sa mga bagay na wala siya at siya rin ang huhusto sa iyo sa mga bagay wala ka.
Kaya ngayon pa lang, sipagan at pagbutihin mo na ang pagtatrabaho sa bahay ng iyong kaibigan, habang pagbutihin at galingan mo rin ang pag-aayos ng mga papeles at pag-a-apply sa abroad.
Sapagkat ayon sa iyong Travel Calendar, nakatakda na ang magaganap, sa first quarter ng taong 2023 at sa edad mong 37 pataas, matutupad na ang iyong pangarap – sa tulong ng iyong kaibigan, makakapunta ka sa Dubai, hanggang sa nasabing pangingibang-bansa, tuloy-tuloy nang uunlad ang iyong career at kabuhayan.




Comments