Tantanan na sila Sen. Robin at Mariel, si P-BBM dapat ang i-bash kasi ‘di pa rin nagsosori sa palpak na P20 bigas
ni Pablo Hernandez @Prangkahan | Pebrero 29, 2024
HAPPY ANG MGA LOLO AT LOLA SA BATAS NI SEN. BONG REVILLA -- Ganap nang batas ang “Expanded Centenarian Law” ni Sen. Bong Revilla na ibig sabihin ay pagkakalooban ng gobyerno ang mga senior citizen ng tig-P10K kapag umabot sila sa edad na 80, 85, 90, 95 at dagdag P100K pagsapit sa edad na 100.
Sa totoo lang, mula nang maging senador si Sen. Bong ay marami nang nabalitang nagawang batas ng kanyang tanggapan para sa kapakanan ng mamamayan, at ang latest nga niyang nagawang batas ay itong para sa kalagayan ng mga senior citizen, at tiyak sobrang happy dito ang mga lolo at lola sa ‘Pinas, palakpakan naman d’yan!
◘◘◘
TANTANAN NA ANG PAMBA-BASH KINA SEN. ROBIN AT MARIEL KASI NAGSORI NA SILA, SI P-BBM NAMAN ANG I-BASH DAHIL ‘DI PA NAGSOSORI SA SABLAY NA P20 PER KILONG BIGAS -- Matapos mag-sorry si Mrs. Mariel Rodriguez-Padilla ay nag- sorry na rin si Sen. Robin Padilla patungkol sa isyung pagpapa-Vitamin C drip ng misis ng senador sa kanyang tanggapan sa Senado, at dahil d’yan, dapat tigilan na ng netizens ang pamba- bash sa mag-asawa.
At sa halip, ang dapat i-bash ay si Pres. Bongbong Marcos (P-BBM) kasi hanggang ngayon hindi pa ito nagso-sorry sa sablay na promise niyang P20 per kilo ng bigas, boom!
◘◘◘
MGA TULAD NINA KIKO PANGILINAN AT CHEL DIOKNO ANG DAPAT ILUKLOK SA SENADO, ‘DI MGA TRAPO NA MAY POLITICAL DYNASTY PA! -- Nagdadalawang-isip na sina former Sen. Kiko Pangilinan at Atty. Chel Diokno kung kakandidato sila sa pagka-senador sa 2025 election kasi nakikita nila sa inilalabas na survey ng mga survey firm ay hindi sila pumapasok sa top 12 senatoriables, kasi ang gustong iboto ng majority Pinoy ay iyong mga trapo (traditional politicians) na may mga political dynasty.
Sa totoo lang, ang mga tulad nina Pangilinan at Diokno na parehong abogado ang dapat ibinoboto. Si Pangilinan noong senador pa ay wala itong bahid ng corruption at marami rin siyang nagawang batas para sa kapakanan ng mamamayan, tulad ng cash assistance sa mga magsasaka, pagbibigay suporta ng mga local gov’t. units (LGUs) sa mga kooperatiba at Alternative Learning System (ALS) upang ang mga hindi nakatapos ng high school ay maka-graduate para makapag-aral sa kolehiyo, at sa parte naman ni Diokno ay isa siyang human rights advocate at nag-aabogado nang libre sa mga mahihirap na Pinoy. Ang problem, ayaw ng majority Pinoy sa kanila, mas gustong iboto ang mga trapo na may political dynasty pa, tsk!
◘◘◘
KAHIT ‘APPOINTED SON OF GOD PA SIYA’ KAPAG ‘DI DUMALO SA SENADO AT KAMARA TIYAK HULI ANG AABUTIN NI PASTOR QUIBOLOY -- Dapat humarap si Pastor Apollo Quiboloy sa Senate at House hearings patungkol sa iba’t ibang isyu laban sa kanya.
Kasi kapag inisnab niya ang subpoena, kahit ang pakilala niya sa kanyang sarili ay “appointed son of God” siya, ay tiyak huhulihin siya ng mga otoridad at bibitbitin para dalhin sa Senado at Kamara, boom!





Comments