top of page
Search
  • BULGAR

Tandang, susuwertehin sa lovelife, career at pinansyal na aspeto ngayong 2023

ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran Ayon sa Numero | March 28, 2023


Ipagpatuloy natin ang pagtalakay sa mga katangian at magiging kapalaran ng animal sign na Rooster o Tandang ngayong Year of the Water Rabbit.


Ang Tandang o Rooster ay silang mga isinilang noong taong 1933, 1945, 1957, 1969, 1981, 1993, 2005, 2017, at 2029.


Sa umpisa, anuman ang kanyang ginagawa, tunay ngang may pambihirang pangarap, sigasig at kakaibang sigla ang Tandang. At minsan, ang buhay ng Tandang ay maitutulad kay Don Quixote de la Mancha, sa nobela ng Spanish writer na si Miguel de Cervantes.


Dahil maangas at megalomania, tuluy-tuloy lang siya sa pakikibaka, kahit sa bandang huli ay hindi niya napansin na isang windmill na lang pala ang pinipilit niyang itumba.


Sa pag-ibig at pakikipagrelasyon, kung wala kang hilig sa pakikipagtalo o kung ikaw ay may “silent type personality”, hindi ka bagay sa Tandang na sobrang daming alam at paliwanag sa mga bagay na kanyang nakikita at naoobserbahan sa silong ng langit.


Dagdag pa rito, kung ang makakapareha mo ay Tandang, tiyak na kahit mahal na mahal ka niya, hindi uubrang hindi ka makaranas ng masasakit niyang pamimintas dahil tulad ng nasabi na, likas na pintasero at perfectionist siya.


Kaya upang makasundo mo ang maangas at akala mo’y napakagaling na Tandang, kailangang maipadama mo na palagi ka niyang kasama at kakampi sa lahat ng mga pangarap na hinahangad niya sa buhay. Karaniwan sa mga Tandang, bagama’t maangas at laging nag-iisa, sa kaibuturan ng kanyang puso, nalulungkot din siya at naghahanap ng tunay na kakampi na magmamahal at mag-aaruga sa kanya.


Samantala, bagay na bagay naman sa Tandang ang matalino at madiskarteng Ahas.


Tugma rin sa kanilang pagiging maangas at energetic ang masipag at masikap na Baka.


Ang mga pagtatangka at ambisyon ng Tandang na hindi naisagawa ng Tandang ay maisasakatuparan ng mahusay at magaling na Dragon, kaya sila ay tugma at bagay na bagay din sa isa’t isa.


Ma-a-appreciate rin ng Tigre, Unggoy, Baboy, Kambing at Tupa, ang pagiging mahusay at maangas ng Tandang, kung saan ang nasabing mga animal signs ay sadya ring ka-compatible ng tipikal na Tandang.


Ngayong 2023, maraming bagay at pangyayari ang papabor sa kapalaran ng isang Tandang, kaya anuman ang kanyang simulan at gawin, tiyak na ito ay magtatagumpay.


Ibig sabihin, susuwertehin at magkakaroon ng magagandang kapalaran ang Tandang ngayong Year of the Water Rabbit, lalo na sa career, pag-ibig at aspetong pampinansyal.


Dagdag pa rito, ang mga kabiguan noong 2022 ay unti-unting matatakpan ng tagumpay at kaligayahan ngayong taon. Gayundin, bagama’t may maliliit na problema na kakatok sa kapalaran ng Tandang, lahat ng ito ay madali namang malulutas. Ang ikinaganda pa nito, posible rin na ang mga pangit na kapalaran ay ma-covert o mas mapaganda ng matalinong Tandang nang hindi niya inaasahan. Kumbaga, sa kabila ng mga suliranin, may dagdag na suwerte at magagandang kapalaran na bigla-biglang mabubuksan at darating.


Itutuloy


0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page