Tambay na mga Pinoy, mas dumami pa
- BULGAR

- Jun 7, 2024
- 2 min read
ni Ryan Sison @Boses | June 7, 2024

Nakalulungkot ang lumabas na report hinggil sa bilang ng mga Pilipinong walang trabaho o unemployment rate ng ating bansa ay tumaas noong April 2024.
Sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA), ang rate ng mga walang trabaho ay nasa 4 porsyento noong April, kung saan mas mataas kaysa sa 3.9 porsyento noong March.
Nangangahulugan ito na mayroong 2.04 milyong unemployed Pinoy noong April, na bahagyang tumaas mula sa 2 milyong manggagawang walang trabaho noong March.
Tumaas din ang underemployment rate sa 14.6% noong April 2024 mula sa 12.9% noong Abril 2023, at 13.9% noong January 2024.
Kung pag-uusapan ang magnitude, ayon sa PSA, 7.04 milyon ng 48.36 milyong indibidwal na may trabaho ang nagpahayag ng pagnanais nila na magkaroon ng karagdagang oras ng trabaho mula sa kanilang present work o magkaroon ng additional job, o kaya naman ay makakuha ng bagong trabaho na may mas mahabang oras ng trabaho nitong April 2024.
Ang services sector ang may pinakamataas na bilang ng may mga trabaho, na nasa 61.4% ng kabuuang bilang ng employment. Habang ang agriculture and forestry ay nakapagtala ng pinakamataas na bilang ng mga job losses o walang trabaho na 818,000.
Sinabi ni National Statistician Dennis Mapa na ang El Niño ay maaaring naging dahilan ng mga job losses sa sektor ng agrikultura.
Paliwanag ni Mapa, nakita sa naging produksyon natin sa first quarter, partikular na sa mga crops na ito ay humina. Kaya puwede aniya, na epekto ito ng El Niño dahil mas mababa ang produksyon ay mayroong pagbaba rin sa bilang ng mga nagtatrabaho.
Sa isang pahayag naman ng National Economic and Development Authority (NEDA), ang gobyerno ay nananatiling nakatuon sa paglikha ng mas mataas na kalidad na mga trabaho sa pamamagitan ng pamumuhunan sa tinatawag na human capital, at muling pagpapasigla sa industriya at mga prayoridad na sektor.
Hindi mabuti para sa kalagayan ng ating mga kababayan kung mas marami sa kanila ang walang trabaho at ikabubuhay.
Sa halip kasi na makapaghanapbuhay para pantustos sa mga pangangailangan at gastusin kabilang na rito ang kanilang pamilya ay walang mapagkukunan at nananatiling tambay, habang nagtitiis na lang sila sa gutom.
May iba namang kababayan na gustong magtrabaho pero hindi nabibigyan ng pagkakataon at oportunidad, kaya nawawalan na rin ng lakas ng loob na subukang mag-apply ng trabaho.
Hiling natin sa kinauukulan na tutukan at talagang solusyonan ang matagal nang problemang ito. Mag-isip sana ng mga paraan para matugunan at mabigyan naman ang ating mga kababayan ng marangal at maayos na trabaho.
Lagi din sana nating iisipin na kapag may trabaho ang bawat isang pamilya at kumikita na, siguradong hindi magtatagal ay mareresolbahan na natin ang kahirapan at katuguman sa ating bansa.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments