top of page
SPECIAL - MISTER NI BEA NA SI VINCENT, ‘DI TINANGGAL SA PUREGOLD_IG _beaalonzo.jpeg

Tamang presyo ng pangunahing bilihin sa Metro Manila, ipapatupad ng LGUs

Writer: BULGAR
BULGAR
Feb 13, 2023
2 min read

ni Ryan Sison @Boses | Pebrero 13, 2023


Tiniyak ng mga local government units (LGUs) sa National Capital Region (NCR) na gagawa sila ng paraan upang makatulong sa gobyerno na maipatupad ang pinaiiral na suggested retail price (SRP) sa ating mga pangunahing bilihin.


Ito ang naging tugon ni Metro Manila Council (MMC) President at San Juan Mayor Francis Zamora na kanya itong ilalatag sa mga kasapi ng MMC para agad na matalakay at maaksyunan.


Ayon sa alkalde, may nakarating na report na hindi nasusunod, partikular sa mga pamilihan, ang tamang presyo o SRP sa ating mga pangunahing bilihin na mandato ng Department of Trade and Industry (DTI).


Sa ngayon, nakikipag-ugnayan na si Zamora sa mga kapwa alkalde sa Metro Manila, gayundin sa Metro Manila Development Authority (MMDA) hinggil sa naturang usapin.


Upang higit na matutukan ito, kinakailangan ng mga polisiya para sa pagpapatupad ng SRP ng mga LGU at ng pamahalaan.


Kabilang sa mga miyembro ng MMC ay mga local government unit ng Caloocan, Malabon, Navotas, Valenzuela, Quezon City, Marikina, Pasig, Taguig, Makati, Manila, Mandaluyong, San Juan, Pasay, Parañaque, Las Piñas, Muntinlupa, at Pateros.


Samantala, noong Pebrero 8 ay naglabas ang DTI ng bagong SRP guide para sa mga pamilihan.


Ang tuluy-tuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin ay bunsod ng pagtaas din ng inflation rate at mga produktong petrolyo sa bansa, kung saan tinatawag itong domino effect.


Kung magagawa ng gobyerno na maawat ang pagtaas pa at maging stable ang presyo ng mga bilihin, mas magiging magaan din ito sa kabuhayan ng mamamayan.


Hindi naman madali para sa mga retailer at store owner na sumunod agad sa itinatakdang SRP ng gobyerno sa mga pangunahing bilihin. Dahilan ng mga ito, mataas ang presyo sa kuha nilang mga paninda kaya mataas din nila itong ibebenta.


Subalit, may iba naman na kahit na mababa na ang kanilang kuha sa produkto ay mataas pa rin nilang itinitinda.


Marahil, sadyang ugali na ang pananamantala sa kapwa para lang kumita ng malaki-malaki at mas umangat sa buhay.


Mas mabuting isipin natin na habang nakakaahon tayo at gumaganda na ang ating pamumuhay, alalahanin din natin ang ating kapwa na sila ay tulungan.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.co

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page