top of page
BULGARY - SERYE NI COCO, INIREKLAMO SA MTRCB, TULOY PA RIN-IG _dreamscapeph.jpg

Tamang paggamit ng lucky colors para suwertehin

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Jan 3, 2021
  • 3 min read

Updated: Jan 9, 2021

ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Numero| January 3, 2021



Dear Maestro,


Matagal na akong sumusubaybay sa inyong mga artikulo, pero ang gusto kong malaman ay ang interpretasyon n’yo sa birthday ko na July 10, 1990 at kung ano ang mangyayari sa aking kapalaran?


Nais ko ring malaman kung ano ang aking masuwerteng kulay, araw, buwan at taon. Sana ay matugunan n’yo ang aking katanungan para magkaroon din ako ng guide sa buhay upang ako ay magtagumpay at maging maligaya


Umaasa,

Nancy ng Mayondon, Los Baños, Laguna

Dear Nancy,


Ayon sa birth date mong 10 o 1 (ang 10 ay 1+0=1) at zodiac sign na Cancer, mapalad ka sa kulay na dilaw at berde. Habang ang destiny number mo namang 9 (7+10+1990=2007/ 20+07=27/ 2+7=9) ay nagsasabing puwede ka ring gumamit ng kulay na pula, pink, lavender at asul.


Ganito ang paggamit, tuwing sasapit ang mga petsang 1, 10, 19, 28, 4, 13, 22 at 31, higit lalo kung ang nasabing mga petsa ay natapat sa araw ng Linggo, dilaw ang gamitin mo.


Tuwing sasapit naman ang mga petsang 2, 11, 20, 29, 7, 16 at 25, higit lalo kung ang nasabing mga petsa ay natapat sa araw ng Lunes at Sabado, berde ang gamitin mo.


Tuwing sasapit naman ang petsang 3, 12, 21, 30, 6, 15, 24, 9, 18 at 27, higit lalo kung ang nasabing mga petsa ay natapat sa araw ng Martes, Huwebes at Biyernes, pula ang kulay na gamitin mo. Kapag sawa ka na sa pula, puwedeng pamalit ang kulay na pink, lavender at asul.


Sa pagpili ng susuutin o gagamiting kulay, dapat ay pakiramdaman mo rin ang iyong kapalaran. Kumbaga, sadya pa ring mahalaga ang daily diary keeping, lalo na ngayong papasok ang Bagong Taon, upang doon mo itala kung may paborableng naganap sa iyo sa panahong suot o gamit mo ang isang partikular na kulay.


Sa ganu’ng paraan, ‘pag masinop mong itinatala ang nangyayari sa pang-araw-araw mong buhay, higit lalo sa mahahalagang okasyon na iyong pinupuntahan, statistically at scientifically speaking, nagiging bahagi ka ng iyong takdang kapalaran.


Kaya masasabing hindi naman talaga nakatakda ang kapalaran o tadhana, sa halip, bilang indibidwal, nagpa-participate ka o tinatawagan tayo upang aktibong makilahok sa paghugis at paghubog ng nakatakdang kapalaran na itinutundos natin sa araw-araw nating karanasan.


Alalahaning ang tao ay nilikha, hindi kagaya ng bato sa tabing-dagat. Sa paghampas ng alon, kusa siyang kumikinis at gumaganda, pero maaari rin siyang tangayin ng malakas na alon at ihampas kung saan-saan. Sa halip, higit ang tao sa isang bato na hindi kumikilos o gumagalaw sa gilid ng dagat, kaya hindi makapamimili ang isang bato kung saan siya puwedeng pumunta o lumagay.


Pero ang tao ay malaya. Oo, malaya niyang magagawa ang kanyang gusto at nais sa buhay. Malaya siyang makapamimili kung saan niya nais pumunta at makipagsapalaran. At sa pagpili ng isusuot na damit o gagamiting kulay, tulad ng naipaliwanag na, malaya ang isang tao na gawin ito, base sa kanyang pakiramdam.


Kung pakiramdam mo ay doon ka sa partikular na kulay na ‘yun sinusuwerte o kapag suot mo ang kulay na ‘yun ay feeling mo, magandang-maganda o guwapong-guwapo ka, malaya mong suutin ang nasabing kulay. Ang sinasabi lang natin ay ang kahalagahan ng pagda-diary keeping o paggawa ng journal kung saan ang record na ‘yun ay malinaw na basehan upang malaman mo kung saang kulay ka talaga sinusuwerte at nagkakaroon ng magagandang kapalaran.


Ang mga suwerteng kulay na ipinagkakaloob natin sa artikulong ito ay gabay lang sa inyong diskarte sa buhay, subalit sa kabila nito, malaya pa rin kayong gumamit ng mga kulay na paborito n’yo, as long as doon n’yo nararamdaman na feeling guwapo o maganda at feeling sinusuwerte kayo sa nasabing kulay.


Kapag nasanay na kayong magtala ng mga pangyayari sa inyong buhay sa araw-araw na tinatandaan n’yo sa bawat mahahalagang okasyon kung ano ang suot n’yong kulay at ano ang nangyari sa inyo sa araw na ‘yun, tulad ng nasabi na, nagiging kabahagi kayo ng tadhana sa paghubog at pagbuo ng inyong kapalaran.


Sa ganu’ng paraan, kapag bukod sa kulay ay naitala n’yo ang petsa, araw o buwan kung kailan kayo sinuwerte at minalas, mahahawakan n’yo na ang inyong sariling kapalaran.

Kusa namang iigting ang iyong mabuting kapalaran, Nancy, mula sa ika-18 ng Hunyo hanggng ika-27 ng Hulyo, mula sa ika-18 ng Oktubre hanggang ika-27 ng Nobyermbre at mula sa ika-18 ng Enero hanggang ika-27 ng Pebrero.


At sa sandaling sinunod mo ang simpleng rekomendasyon sa itaas, tiyak ang magaganap sa 2024, sa edad mong 34 pataas at sa taong 2033 sa edad mong 43 pataas, magsisimula kang umunlad, hanggang sa tuluy-tuloy nang lumigaya at magtagumpay sa iyong buhay.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page