Tamang paggamit ng lucky color, mas magandang pirma at pagpapatubo ng bigote, dapat gawin ng
- BULGAR
- Nov 10, 2021
- 3 min read
binatang feeling malas sa love life
ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Numero| November 10, 2021
Dear Maestro,
Gusto kong mabuhay nang masaya, subalit ramdam ko na palagi akong nababalisa at malungkot. Wala akong love life at stable career ngayon, bagama’t tapos ako ng kursong HRM. Sa ngayon, madalas akong nawawalan ng pag-asa sa buhay, kaya nakikiusap ako na matulungan mo ako kung ano ang nararapat kong gawin.
Gayundin, bigyan mo ako ng gabay upang mawala ang pagiging balisa at iba pang kahinaan ko sa aking sarili. Sa totoo lang, patapos na ang pandemya, pero ‘yung lungkot at pagkabalisa sa puso ko ay hindi pa rin natatapos, bakit kaya? Kailan ba ako magiging maligaya? April 9, 1992 ang birthday ko.
Umaasa,
Mark ng San Miguel, Baras, Rizal
Dear Mark,
Ang unang-una mong dapat gawin ay baguhin ang iyong lagda upang mawala na ang iyong pagkabalisa. Ang sobrang liit na mga letra sa iyong pirma ay nagpapahiwatig ng hina ng loob, kawalan ng pag-asa at tiwala sa iyong sarili. Kaya dapat magkaroon ka ng confidence at magagawa mo ‘yan kung sisimulan mo nang lakihan ang mga letra at salita sa iyong lagda.
Kailangang malaki ang mga letra o buhay na buhay at kitang-kita. Habang imbes na tapusin ang lagda sa pataas na guhit na nagsasabing marami kang mga pangarap at imahinasyon sa buhay na hindi mo naman natutupad, mas maigi kung tatapusin mo ito sa straight line upang mas madali mong matupad at mabigyang-anyo ang iyong mga balak at hangarin sa buhay.
Pagkatapos mong maayos o mapaganda ang iyong lagda, ang ikalawang dapat mong gawin ay simula ngayon, iwasan mo nang magsuot ng polo na kulay brown at ‘wag ka na ring gagamit ng kulay na ito. Sapagkat ang kulay na tsokolate o brown, ayon sa Luscher Color Test ay simbolo ng kahinaan, kaduwagan at kawalan ng direksiyon ng buhay.
Upang magkaroon ng direksiyon ang iyong buhay at lumakas ang iyong loob, gamitin mo ang isa sa pinakamabagsik at matapang na kulay na siya ring angkop sa birth date mong 9 at sa zodiac sign mopng Aries, ang kulay pula.
Palagi kang magsuot ng pula sa tuwing sasapit ang mga petsang 9, 18, 27, 6, 15, 24, 3, 12, 21 at 30, higit lalo kung ang nasabing mga petsa ay natapat sa araw ng Martes, Huwebes at Biyernes.
Bukod sa pula, ayon sa destiny number mong 7 (4+9+1992=2005/ 20+05=25/ 2+5=7), mapalad ka rin sa kulay na berde, kung saan isuot mo ito tuwing sasapit ang mga petsang 2, 11, 20, 29, 7, 16 at 25, higit lalo kung ang nasabing mga petsa ay natapat sa araw ng Sabado, Linggo at Lunes.
Kapag hindi pa rin umubra ang nasabing mga diskarte, magpatubo ka ng bahagyang bigote upang mabuhay ang iyong natatago at natutulog na libido. Ang bigote ang magsisilbing pampalakas ng loob upang maituloy mo nang mabilis at walang takot ang iyong mga layunin at balakin sa buhay.
Kapag nasunod mo ang simpleng mga rekomendasyon, tiyak ang magaganap sa taong 2023 at sa edad mong 31 pataas. Magsisimula ka nang umunlad, umasenso at mas magiging maligaya sa iyong buhay hanggang sa tuluy-tuloy mo nang makamit ang isang wagas at walang pag-aalinlangang malaking tagumpay. Sa nasabing panahon, ang isa pang mabuti at magandang balita ay magkaka-love life ka, na maghahatid sa iyo sa maligaya at panghabambuhay nang pakikipagrelasyon na hatid ng babaeng isinilang sa buwan ng Disyembre.




Comments