Tama na ang band-aid solution, kabuhayan at trabaho ang sagot sa kahirapan
ni Ryan Sison @Boses | May 29, 2023
Inilunsad ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang “Sibol: the New SLP (Sustainable Livelihood Program)” upang matiyak na ang mga intervention sa kabuhayan nito ay suportado ng mga tamang inobasyon at patuloy na tumutugon sa pangangailangan ng mga kalahok nito.
Sa ilalim ng track ng micro-enterprise development (MD) ng SLP, ang DSWD ay magbibigay ng seed capital, pagsasanay, at mga pondo sa pagbuo ng kabuhayan sa mga micro-enterprise na pinamamahalaan ng mga miyembro ng mahirap, marginalized, vulnerable, at/o disadvantaged households na tinukoy ng National Household Targeting System para sa pagbabawas ng kahirapan.
Sa grand launch ng bagong SLP sa SM Mall of Asia Music Hall, ipinakilala ni DSWD Secretary Rex Gatchalian ang mga partners at iba pang stakeholders ng integrated five-year livelihood sustainability plan ng programa na higit na magpapahusay sa pagpapatupad nito upang maging mas maging epektibo.
Kabilang sa mga pangunahing katuwang ng SLP ng DSWD ang Department of Agriculture-Bureau of Fisheries and Aquatic Resources, Cooperative Development Authority, at Technical Education and Skills Development Authority.
Aniya, ang Sibol, ang bagong tatak ng programa, ay kumakatawan sa step-by-step na paglago sa journey ng mga kalahok ng SLP tungo sa mabuting kalusugan na may pantay na pag-access sa livelihood assets at resources.
Dagdag ng opisyal, ang pagpapabuti sa mga alituntunin ng SLP implementation ay ginawa rin bilang bahagi ng pagsisikap ng ahensya na bigyan ng kapangyarihan ang mga kliyente nito.
Samantala, ang SLP’s employment facilitation track ay magbibigay ng tulong sa trabaho at pagsasanay sa mga mahihinang indibidwal na mas gustong magpatakbo ng negosyo kaysa magtrabaho para sa kanilang sarili.
Pinayuhan ni Gatchalian ang mga interesado na bumisita sa alinmang sangay ng DSWD para sa oryentasyon. Ang dalawang pagpipilian sa SLP na iminungkahi niya ay may limitasyon sa sambahayan para sa dalawang tao.
Napakaganda ng programang ito para sa mga mahihirap na Pilipino, ngunit siguraduhin lang na hindi ito band-aid solusyon upang matugunan ang kahirapan sa Pilipinas.
Marami kasing Pilipino ang umaasa sa tulong ng gobyerno dahil sa kakapusan sa buhay at umaasa tayo na magagampanan ng DSWD ang responsibilidad nito na tulungan ang mamamayang Pilipino at masugpo ang kahirapan.
Ganito ang dapat na gawin ng gobyerno, magbigay ng mga programa na makakatulong sa mga Pinoy at hindi ang pamimigay ng ayuda dahil pansamantalang solusyon lang ito upang matugunan ang kumakalam na sikmura ng mamamayan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments