Takot na muling sumugal… Single mom, si Mr. Taurus dapat ang piliin para sure na lumigaya at umunlad
- BULGAR
- Nov 1, 2023
- 2 min read
ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran ayon sa Numero | November 1, 2023
Dear Maestro,
Isa akong single mom, at magdadalawang taon na ang anak kong babae. Mula nang isilang ko siya, hindi na nagpakita at nagparamdam ang kanyang ama. Hindi na ako umaasang babalik pa siya, kaya naman nag-entertain na ako ng mga manliligaw.
Sa katunayan, may dalawa akong bet na lalaki, pero hindi ko pa sure kung sino sa kanila ang karapat-dapat, natatakot kasi akong maloko na naman.
Ang unang lalaking medyo type ko ay isinilang noong October 10, 1990. Tawagin na lang natin siyang Mr. Libra, binata pa rin siya hanggang ngayon pero hindi ko sure kung totoo ba ‘yun dahil malayo ang bahay nila sa amin. Sa social media ko lang siya nakilala pero pumupunta na siya sa amin.
Samantala, ‘yung ikalawa naman ay tawagin na lang natin siyang Mr. Taurus na isinilang noong April 28, 1994. Dati ko na siyang manliligaw, pero dahil nagka-boyfriend ako, lumayo siya. At mula nang malaman niyang hiwalay na kami, ru’n niya na muli akong niligawan.
Maestro, sino ang dapat kong piliin sa kanila? Ang birthday ko ay August 25, 1996.
Umaasa,
Stella ng St. Ana, Taytay, Rizal
Dear Stella,
Ayon sa birth date mong 25 o 7 (ang 25 ay 2+5=7), sa destiny number mong 6, (8+25+1996=2029/ 20+29=49/ 4+9=13/ 1+3=9 at sa zodiac sign na Virgo, tunay ngang kapwa mo ka-compatible sa Numerology ang dalawang lalaking binanggit mo, dahil kapwa sila nagtataglay ng birth date na 1 (ang 10 ay 1+10=1 at ang 28 ay 2+8=10/ 1+0=1) Kung saan, alam naman nating lahat na ang 1 ay isang strong number na kailangang-kailangan ng weak number mong 7.
Samakatuwid, kung Numerology ang pag-uusapan, okey lang kahit na sino ang mapangasawa mo.
Subalit, kailangan mo pa ring isaalang-alang ang zodiac sign o Astrology. Kung saan, ang zodiac sign mong Virgo na may elementong earth o lupa ay sadyang swak kay Mr. Taurus na isa ring earth type personality, at hindi mo naman gaanong katugma si Mr. Libra.
Gayunman, mas okey pa rin kung mismong ka-swak mo ang iyong mapapangasawa at makakasama habambuhay upang magkaroon ng isang masagana at maunlad na pagsasama.




Comments