Takot iwanan ng bf dahil madalas nang maka-sex
ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Palad | June 29, 2021

KATANUNGAN
May boyfriend ako at bale siya ang pang-lima sa mga naging karelasyon ko. Mag-iisang taon na ang relasyon namin sa July 25. Naisipan kong sumangguni sa inyo, Maestro, upang alamin kung ang kasalukuyan ko na bang boyfriend ang aking makakatuluyan?
Natatakot at nababahala ako na matulad lang siya sa mga dating boyfriend ko na matapos maangkin ang aking pagkababae ay bigla na lang nawala.
Naipagkaloob ko na rin kasi sa kanya ang pagkababae ko kaya nag-aalala ako na mangyari ulit ang nangyari na iniiwanan lang ako ng mga ex ko.
KASAGUTAN
Malaki ang posibilidad na kayo na ang magkatuluyan ng kasalukuyan mong boyfriend. Ito ang nais sabihin ng pumangit na Heart Line (Drawing A. at B. h-h arrow a.) sa simulang bahagi ng palad hanggang gitna, ngunit muli itong naayos at gumanda mula gitna hanggang sa dulong bahagi ng Heart Line (Drawing A. at B. h-h arrow b.) sa kaliwa at kanan mong palad.
Tanda na wala kang dapat ipangamba sa katapatan ng iyong nobyo sa kasalukuyan. Sapagkat ang pangit na Heart Line (h-h arrow a.) o kasawian sa mga pakikipagrelasyon at pag-ibig noong mga nagdaang panahon ay sadyang nakaraan na. At pagkatapos ng nasabing mga kabiguan, ang kasunod naman ay tagumpay at habambuhay na ligaya.
Ito rin ang nais ipahiwatig ng gumanda at naayos namang dulong bahagi ng Heart Line (arrow b.) na may pangako ng isang masaya at panghabambuhay na pakikipagrelasyon. Ang pag-aanalisang may pangako ng masaya at panghabambuhay na pag-ibig ay madali namang kinumpirma ng ikalawang mas maganda at makapal na Marriage Line (Drawing A. at B. 1-M arrow c.) sa kaliwa at kanan mong palad.
Tanda na ang ikalawang seryoso at totohanang pakikipagrelasyong mararanasan ay magiging panghabambuhay, matatag at magdudulot ng walang hanggang kaligayahan na siyang kasalukuyang nagaganap.
DAPAT GAWIN
Habang, ayon sa iyong mga datos, Maylene, kayo na ang magkakatuluyan at dahil dumadalas na pala ang inyong pagtatalik, makatwiran lamang na ngayon pa lang ay paghandaan mo na ang biglaan mong pagbubuntis o ang biglaang pag-aasawa. Kapag pinaghandaan n’yo ang future, darating ang panahong mas madali na kayong makabubuo ng masaya, maunlad at panghabambuhay na pamilya, na tinatayang mangyari sa susunod na taong 2022, sa buwan ng Hunyo o Hulyo sa edad mong 28 pataas.




Comments