top of page

Takdang kapalaran, puwedeng baguhin kung pangit o masama

  • BULGAR
  • Jul 18, 2021
  • 3 min read

ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Palad | July 18, 2021




KATANUNGAN

  1. Naghiwalay kami ng asawa ko nang mahigit isang taon at nagkabalikan kami nang dumating ako galing abroad at nangako siya na magbabago at magpapakatino. Kaso kababasa ko sa inyong mga artikulo, lalo na sa Palmistry, napansin kong dalawa ang Marriage Line ko na pareho namang mahaba at maganda, kaya naisip kong magtanong kung ang ibig sabihin ba ng dalawang Marriage Line ay dalawang beses akong makapag-aasawa?

  2. Sabagay, matino na ang mister ko at masikap sa buhay. Ang kaso, sa kaaahente ko ng kung anu-anong produkto, may nakilala akong matanda at balong lalaki na nagkagusto sa akin at ngayon ay parang nililigawan niya ako. Mayaman siya at mabait naman.

  3. Natatakot akong tuluyang magkalapit kami ng loob at mangyari ang kinatatakutan ko dahil dalawa ang nakita kong Marriage Line sa aking mga palad, na ayaw ko namang mangyari.

  4. Pero sabi n’yo, hindi naiiwasan ang nakatakda kaya baka nakatakda na sa akin ang magkaroon ng dalawang asawa, kaya iniisip kong wala rin akong magagawa. Tama ba ako na kapag ang kapalaran ay nakatakda, wala kang magagawa para baguhin ‘yun?

KASAGUTAN


  1. Kapag ang kapalaran ay nakatakda, mayroon kang kakayahang baguhin ito, lalo na kung ito ay pangit o masama. Habang kung mabuti o maganda ang kapalaran, puwede mong ikondisyon ang iyong sarili at isipang “Ang kapalaran ay talaga namang nakatakda at hindi na ito mababago kailanman!” Siyempre, ganu’n ang dapat mong paniwalaan dahil ang kapalarang tinutukoy natin ay mabuti at maganda.

  2. Pero ano ba talaga ang totoo, kaya bang baguhin ng tao o hindi ang kanyang nakatakdang kapalaran? Ang eksaktong sagot, depende sa guhit at texture ng iyong palad. Kapag makapal ang palad mo, tumatalbog-talbog kapag sinalat at kaunti ang mga guhit, kaya mong baguhin ang kapalaran mo, pero kapag manipis na mabuto ang palad mo at marami ang mga guhit, kahit si Superman ka pa, hindi mo kayang baguhin ang kapalaran mo.

  3. Samantala, Catherine, mali ang tingin mo sa iyong mga palad. Hindi dalawang beses makapag-aasawa ang nais sabihin ng dalawang Marriage Line (Drawing A. at B., 1-M at 2-M arrow a. at b.) sa kaliwa at kanan mong palad, higit lalo kung titingnang mabuti ay sobra ang pagkakalapit nito sa isa’t isa.

  4. Sa mas malinaw na paliwanag, halos walang pagitan ang dalawang Marriage Line (arrow a. at b.) at halos magkapareho pa ng haba. Ibig sabihin nito, iisang lalaki lang ang mapapangasawa mo, pero paglalayuin kayo ng tadhana, ngunit pagkatapos ng ilang kumpol na panahon, muli kayong magbabalikan at mabubuo ang masaya at panghabambuhay na pamilya. Ganu’n na ang nangyari, hindi ba? Nag-abroad ka at nang bumalik ka sa bansa, muli kayong nagkabalikan at ngayon ay buo at masaya na ulit ang inyong pamilya.

  5. Ang ganyang guhit ay wala ring iniwan sa dalawang magkasintahang nagkahiwalay ng landas ng mahabang panahon. Ngunit matapos ang mahabang panahong paglalayo, kahit sila ay magkalayo, sa kaibuturan ng kanilang mga puso ay buo pa rin ang pag-ibig at pagmamahalan sa isa’t isa. At nang biglang dumating ang hindi inaasahang sitwasyon na muli silang pinagtagpo ng tadhana upang ang nausyaming pag-ibig na tinatawag din nating ‘true love’ ay magiging “love that last a lifetime”. Kaya nang muli silang nagbalikan, naging masaya at panghabambuhay ang kanilang pagmamahalan.

  6. Sa kaso n’yong mag-asawa, tulad ng naipaliwanag na, kahit dalawa ang Marriage Line (arrow a. at b.) sa kaliwa at kanan mong palad, ang mga ito ay walang iba kundi siya pa ring iyong pinakasalan at napangasawa. Naging dalawa lang ang nabanggit na guhit upang ilarawan ang pagkakawalay at muling pagkakatagpo na hahantong sa maligaya at panghabambuhay na samahan.

DAPAT GAWIN

Habang, ayon sa iyong mga datos, Catherine, hindi nakatakda sa kapalaran mo ang muling maghiwalay kayo ni mister, ngunit kung paiiralin mo ang iyong kahibangan at patuloy ka pa ring lihim na nakikipag-ulayaw o hindi mo iniiwasang makipagbolahan sa balo na iyong kaibigan ngayon, hindi nakatakda ang kapalaran. Bagkus, ginagawa mo ‘yan, lalo na kung may makapal kang palad, masarap hawakan at tumatalbog-talbog habang sinasalat. Kapag naghiwalay kayong muli ni mister at muling nasira ang inyong pamilya, ikaw na mismo ang pumili ng landas ng ‘yun upang ganap na mawasak ang inyong iniingat-ingatang tahanan.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page