top of page

Taguig Generals, swak na sa finals ng NBL Cup

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Sep 18, 2023
  • 2 min read

ni Anthony E. Servinio @Sports | September 17, 2023


ree

Laro ngayong Linggo - Colegio de Sebastian

6:30 p.m. Kapampangan vs. Binan


Pasok na ang Taguig Generals sa finals ng 2023 National Basketball League (NBL-Pilipinas) President’s Cup matapos manaig sa Cam Sur Express, 90-83, noong Miyerkules sa Fuerte Sports Complex sa Pili, Camarines Sur. Winalis ng Generals ang seryeng best-of-three at hihintayin ang mananalo sa Game Three ngayong Linggo sa pagitan ng KBA Luid Kapampangan at Tatak GEL Binan sa Colegio de Sebastian Gym sa San Fernando City simula 6:30 ng gabi.


Hawak ng Taguig ang 72-54 lamang bago magwakas ang third quarter subalit nakahabol ang Cam Sur sa last two minutes, 82-84. Pinalamig ni Best Player Mike Jefferson Sampurna ang Express sa dalawang mahalagang buslo upang makahinga ang Generals papasok sa huling minuto, 88-83.

Nagtapos si Sampurna na may 22 puntos. Sumuporta sina Dan Anthony Natividad na may 14 at Fidel Castro na may 13 puntos. Naipilit ng Tatak GEL ang Game Three matapos magwagi sa Luid sa naunang laro, 99-94. Ipinasok ni Best Player at Binan kapitan Angelo Rosale ang dalawang paniguradong free throw na may 11 segundo sa orasan sa gitna ng huling banta ng Kapampangan.


Gumagawa ng 3.6 puntos lang bawat laro, pumukol ng anim na three-points si Rosale patungo sa 25 puntos. Third quarter pa lang ay double-double na si Vinny Begaso at nagtapos na may 17 puntos at 14 rebound habang ipinasok ni Allan Bernard Papa ang 11 ng kanyang 14 puntos sa huling quarter.


Nakuha ng Luid ang Game One, 91-88, noong Setyembre 8 sa Cong. Jun Duenas Gym sa Taguig City. Asahan na magiging gitgitan muli ang Game Three na ika-limang tapatan ng Binan at Kapampangan ngayong torneo.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page