ni Anthony Servinio @Sports | March 16, 2024
Nakamit ng Taguig Generals ang bihirang Grand Slam o tatlong magkasunod na kampeonato matapos talunin ang Cam Sur Express, 94-85, para sa 2023-2024 National Basketball League (NBL-Pilipinas) Chairman’s Cup sa puno at maingay na Fuerte Cam Sur Sports Complex sa Bayan ng Pili Miyerkules ng gabi. Winalis ng Generals ang seryeng best-of-five, 3-0, kasama ang 88-81 at 91-85 na tagumpay sa unang dalawang laro na ginanap sa Taguig City.
Ipinasok ni guwardiya Harvey Subrabas ang tatlong magkasunod na buslo sa simula ng 3rd quarter upang itayo ang pinakamalaking bentahe ng Taguig, 62-38. Unti-unting humabol ang Cam Sur sa pangunguna ni kapitan Arnaldo Magalong hanggang naging dalawa na lang ang agwat sa shoot ni Jayson Orada kasabay ng hudyat ng last 2 minutes, 85-87.
Iyan ang huling hirit ng Express at bumira ng dalawang mahalagang tira si forward Noel Santos na sinundan ng isa pa kay Lerry John Mayo upang maging 93-85 at 49 segundo sa orasan. Hinirang na Finals MVP si Mayo dala rin ng kanyang pagiging Best Player sa Game 1 at 2.
Pumasok bilang mga reserba sina Dan Anthony Natividad at Edziel Galoy upang mamuno sa atake ng Generals na may 21 at 17 puntos. Sinundan sila ni Subrabas na may 15.
Ayon kay Coach Bing Victoria, maipagmamalaki ang ipinakita ng Generals lalo na at ito ay sa tahanan ng kalaban. Inamin niya na talagang nahirapan sila sa Express, dikit ang mga laro at kinailangan ng matinding 4th quarter para maselyuhan ang panalo.
Magpapahinga saglit ang NBL-Pilipinas at babalik para sa mas pinalaking 2024 President’s Cup ngayong Abril. Ang Taguig ay ang defending champion at hahanapin nila ang pangkalahatang ika-limang tropeo.
Comments