Taga-gobyerno na adik sa suhol, tuluyan!
- BULGAR

- Nov 11, 2020
- 1 min read
@Editorial | November 11, 2020
Humarap kay Pangulong Rodrigo Duterte ang mahigit 40 opisyal ng Bureau of Immigration (BI) na sangkot sa kontrobersiyal na “Pastillas Scheme”.
Sila ang mga tauhan ng BI na nakatalaga sa airport na sinasabing tumatanggap ng suhol para mabilis na makapasok sa bansa ang mga Chinese. Tinawag na “Pastillas” ang modus dahil nakarolyo ang perang suhol na kapareho sa pastillas.
Sa nasabing paghaharap, nabatid na sinermunan at sinabon nang husto ng Pangulo ang mga tauhan ng BI.
Sa photo release ng Palasyo, may mga nakalagay na nakarolyong papel na kamukha ng pastillas sa mga upuan ng mga ipinatawag na BI officials. May pagkakataon umano na sinabi ni Pangulong Duterte sa mga ito na kainin ang nakarolyong papel na pera raw ang laman, bagama’t hindi naman umano pinilit ng Pangulo.
Maaaring ito na ang simula para wala nang magtangkang gumawa ng mali sa anumang ahensiya ng gobyerno, subalit hindi maiwasang isipin ng iba na puwedeng dito rin matapos ang pagkastigo at balik na naman sa bulok na sistema ang mga pasaway.
Kaya ang hamon, hindi lang sa Pangulo, kundi sa lahat ng tapat na lingkod-bayan, linisin ang inyong hanay at pagsisipain ang mga sumisira sa imahe gobyerno.
Hangga’t may mga na adik sa suhol, hindi mawawala ang korupsiyon sa gobyerno. Kung may masasampulan lang sana nang matindi, tiyak magdadalawang-isip nang gumawa ng kalokohan ang iba d’yan. Baka itong mga sangkot sa Pastillas Scheme ang magsisilbing patunay at ‘yan ang ating aabangan!



Comments