Taga-DOE at ERC na laging aprub sa oil price hike, sibakin
ni Pablo Hernandez III @Prangkahan | September 19, 2023
KUNG ANG LAHAT NG GENERAL TULAD NI GEN. NARTATEZ NA HINDI PABIDA PERO MABILIS UMAKSYON, MAUUBOS ANG MGA ABUSADONG PARAK -- Inaprub ni National Capital Regional Police Office (NCRPO) Director, Gen. Jose Melencio Nartatez, Jr. ang dismissal sa serbisyo ng walong pulis-Navotas na nakapatay sa binatilyong si Jemboy Baltazar na napagkamalan lang ng mga parak na suspek sa isang krimen.
‘Yan si Gen. Nartatez, tahimik lang nagtatrabaho at hindi pabida tulad ng ibang police generals, pero kapag umaksyon, ang bilis.
Kung ang lahat ng police generals ay katulad ni Gen. Nartatez na mabilis umaksyon, ay tiyak mauubos at masisibak sa serbisyo ang lahat ng mga abusadong parak, period!
◘◘◘
DAPAT SIBAKIN NI P-BBM ANG MGA TAGA-DOE AT ERC NA LAGING NAG-AAPRUB SA HIRIT NA OIL PRICE HIKE NG MGA KUMPANYA NG LANGIS -- Simula ngayong araw ay may dagdag na naman sa presyo ng mga produktong petrolyo. Sa gasolina ay P2 kada litro ang itinaas, sa diesel ay P2.50 kada litro ang itinaas at sa kerosene ay P2 kada litro ang itinaas.
Dapat yata sibakin na ni Pres. Bongbong Marcos (P-BBM) ang mga opisyal ng Dept. of Energy (DOE) at Energy Regulatory Commission (ERC) kasi wala nang inatupag ang mga ito kundi paboran nang paboran ang hirit na oil price hike ng mga kumpanya ng langis na ang dulot ay dagdag pahirap sa mga motorista, lalo na sa mga tsuper ng mga pampublikong sasakyan, tsk!
◘◘◘
PARANG IBINIDA PA NG DOE NA HANGGANG PASKO SASAKIT ANG ULO NG MAMAMAYAN SA SUNUD-SUNOD NA OIL PRICE HIKE -- Ayon sa DOE, ang mga magaganap pang taas-presyo sa mga produktong petrolyo ay hanggang Pasko raw.
Kumbaga, parang ibinida ng DOE sa publiko na hanggang Pasko ay sasakit ang ulo ng mamamayan sa ipaiiral nilang sunud-sunod na oil price hike, buset!
◘◘◘
KAPAG HIRIT NI CAYETANO NATUPAD NA BIGYAN NG CONFI FUNDS LAHAT NG AHENSYA NG GOBYERNO, MAS LALONG DADAMI ANG MGA BUWAYA SA PAMAHALAAN -- Sabi ni Sen. Alan Cayetano, kung bibigyan daw ng confidential fund ang Dept. of Education (DepEd), dapat daw ay bigyan na rin ng "confi funds" ang lahat ng departamento ng pamahalaan.
Nakupo, kung ang lahat ng departamento o ahensya ng pamahalaan ay bibigyan ng "confi funds," ay baka mas lalong dumami ang mga "buwaya" sa gobyerno, period!





Comments