Taga-CA tinamaan sa speech ni Sen. Raffy, utol na si Sec. Erwin ang niresbakan
- BULGAR
- Nov 25, 2022
- 1 min read
ni Pablo Hernandez III - @Prangkahan | November 25, 2022
'TINAMAAN' SA BANAT NI SEN. RAFFY TULFO, SI SEC. ERWIN TULFO ANG NIRESBAKAN—Matapos "patamaan" ni Sen. Raffy Tulfo sa kanyang privilege speech sa Senado ang mga abusado at pabayang appointed at elected officials ay niresbakan naman ng ilang miyembro ng Commission on Appointments ang utol niyang si Sec. Erwin Tulfo ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Pinahiya sa publiko si Sec. Erwin Tulfo kung saan pati ang past love life nito, pagkakaroon ng 10 anak sa apat na nakarelasyong babae ay inungkat at pagkaraa'y ipinagpaliban ang pagdinig sa permanent appointment sa DSWD.
◘◘◘
HINDI DAPAT PAKIALAMAN NG CA MEMBERS ANG LOVE LIFE NG MGA ISINASALANG SA COMMISSION ON APPOINTMENTS—Sana, ang maging pamantayan ng CA members kapag may sinasalang sa Commission on Appointments ay ang kakayahan ng gov't. official na maglingkod sa mamamayan.
At hindi 'yung pati love life ay pinakikialaman.
◘◘◘
SA KAEPALAN LANG MAGALING ANG MGA TRAPO, PERO SA PAGBIBIGAY-TULONG SA MGA ATLETA DEDMA—Humingi pala ng tulong sa gobyerno ang mga magulang ng 9-years old chess player na si Bince Operiano panggastos sana sa sasalihan nitong Eastern Asia Youth Chess Championship sa Bangkok, Thailand, pero ang ibinigay lang ng Philippine Sports Commission ay pamasahe ng bata.at hindi sinagot ang pamasahe ng kanyang ama.
Dahil kapos, naunang nagtungo sa Thailand ang bata at dahil walang pambayad sa hotel ay sa Thailand airport natulog ang bata nang tatlong araw.
Ito na ang siste, nang manalo sa torneo sa Thailand si Bince, aba, todo-epal na ang mga trapo at kani-kanyang post sa social media na nakaka-proud ang batang atleta.





Comments