Taduran hindi na sasabak sa Thrilla in Manila
- BULGAR
- 13 hours ago
- 2 min read
ni Gerard Arce @Sports | August 30, 2025

Photo: Kid Pedro General Taduran Jr. - FB
Nilinaw ni reigning International Boxing Federation (IBF) minimumweight champion Pedro “Kid Pedro Heneral” Taduran na tuluyan na itong hindi mapapabilang sa pinakamalaking boxing event sa bansa na Manny Pacquiao: Blow-by-Blow Presents “Thrilla in Manila” 50th anniversary sa Oktubre 29 sa Smart Araneta Coliseum.
Ibinulgar ng two-time world champion sa Bulgar Sports kahapon na may ibang plano para sa kanya ang kampo ng MP Promotions at Elorde Promotions para sa hiwalay na world title fight na mas mapapa-aga ang laban sa darating ding Oktubre.
Inamin ni Taduran na inaasahan niyang magiging parte siya ng prestihiyosong boxing event na katatampukan ng mga pinakamahuhusay na boksingero ng bansa na nabibilang sa MP Promotions ng nag-iisang Filipino boxing legend at eight-division World champion Manny “Pacman” Pacquiao.
Ngunit sa hindi malamang kadahilanan ay mawawala ito sa naunang plano kasama sina World Boxing Council (WBC) mini-flyweight champion Melvin “El Gringo” Jerusalem at dating WBC featherweight titlist Mark “Magnifico” Magsayo. “Tinangal po ako doon. Diko din po alam kung bakit ako doon tinanggal.
Pero po nung sinasabi dati lalaban ako kasama sina Magsayo at Jerusalem,” pahayag ni Taduran sa panayam ng Bulgar Sports sa telepono. “Parang ang sabi nila hindi daw pwede pagsamahin yung parehong world title namin. (Jerusalem),” dagdag ni Taduran, kung saan idedepensa ni Jerusalem ang kanyang korona kontra South African Siyakhowa Kuse.
Nakatakdang idepensa ng 28-anyos na tubong Libon, Albay ang kanyang 105-pound world title belt kontra No.3 contender at undefeated Filipino boxer Christian Balunan, na may tangang 12-0 rekord at may pitong panalo galing sa knockouts, kung saan hinahanapan ng lugar sa bansa ang bakbakan, na isang inaasinta ang Rizal Memorial Coliseum.
“Sinabihan lang ako nila sir Sean (Gibbons) na nakahiwalay daw yung laban ko dito sa bansa. Parang free admission ata siya para sa lahat,” paliwanag ng Pinoy southpaw.
Sa huling panayam rito ng Bulgar Sports sa laban ni Kenneth “The Lover Boy” Llover at Luis “El Nica” Concepcion nung Agosto 17 sa Winford Hotel Resort and Casino sa Maynila, kinumpirma nitong naghahanda na para sa nasabing bigating produksyon na gaganapin sa tinaguriang “Mecca of Philippine Sports.”
Nagawa na ring makipag-ugnayan ni Pacquiao, kasama si MP Promotions President at leading advisor Gibbons kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. upang masuportahan ng gobyerno ang pagdiwang ng anibersaryo ng matinding bakbakan sa pagitan nina boxing legend Muhammad Ali at Joe Frazier na ginanap nung Oktubre 1, 1975 sa The Big Dome, kung saan nagtapos sa pagpapanatili ng undisputed heavyweight title kay Ali dulot ng retirement (RTD) matapos ang bugbugang 14th round.
Matagumpay na nadepensahan ni Taduran ang kanyang korona laban sa dating kampeon na si Ginjiro Shigeoka sa pamamagitan ng 12-round split decision nitong Mayo 24 sa Intex, Osaka, Japan, habang nakalikha ito ng four-fight winning streak upang makabangon sa pagkakawala ng IBF korona sa kababayang si Rene Mark “Mighty Mouse” Cuarto nung Pebrero, 2021 matapos mapagwagian ang korona kay Pinoy boxer Samuel Salva sa fourth round stoppage nung Setyembre 2019 sa Taguig City.
Comments