Taas-sahod, mass hiring at regularisasyon sa health workers, now na!
- BULGAR
- May 5, 2023
- 2 min read
ni Ryan Sison @Boses | May 5, 2023
Hinihimok ng Health Workers United for Wage Fight (HWUFW), isang grupo ng mga health workers mula sa iba't ibang pampubliko at pribadong ospital, ang pamahalaan para sa pagtaas ng sahod, mass hiring, at regularisasyon ng mga kontraktuwal na manggagawa sa gitna ng mga paghihirap sa ekonomiya na dala ng COVID-19 pandemic.
Ilang araw lamang bago ang National Health Workers’ Day sa Mayo 7, nagtipon ang HWUWF noong Miyerkules upang igiit sa administrasyon na unahin ang kanilang kapakanan at tugunan ang matagal na nilang pangangailangan.
Sinabi ng HWUWF na ang pagtaas ng suweldo ay makakatulong sa kanilang mga pangunahing pangangailangan para sa masustansyang pagkain, pananamit, disenteng tirahan, dekalidad na edukasyon para sa kanilang mga anak, at mga kondisyong medikal.
Giit ng grupo, “Paano namin makukuha ang lahat ng ito kung ang Salary Grade 1 (SG1) health workers sa mga pampublikong ospital ay kumikita lamang ng P13,000 kada buwan habang ang private health workers ay tumatanggap lamang ng P570 kada araw bilang kanilang minimum na suweldo? Humihingi kami ng P33,000 na suweldo sa pagpasok para sa SG1 health workers at P1,100kada araw para sa mga pribadong health worker.”
Binanggit din ng grupo ang kakulangan ng mga health workers dahil sa banta ng COVID-19 at hindi nababayarang mga benepisyo, na nagdudulot din ng mga hadlang sa pagbibigay ng dekalidad na health care sa maraming lokal.
Sa ulat noong Abril 23, ipinakita ang datos ng United Private Hospital Unions of the Philippines (UPHUP) na nasa 20,000 health care workers sa mga pribadong ospital ang hindi pa nakakatanggap ng kanilang COVID-19 allowance na aabot sa kabuuang P1.9 bilyon. Ang datos ay nagpakita na ang mga naturang health care workers ay hindi nakatanggap ng naturang benepisyo mula pa noong Oktubre 2021.
Ngayong araw, gugunitain ng grupo ang National Health Workers’ Day nang mas maaga sa pamamagitan ng pagsasagawa ng unity march upang bigyang-diin ang pangangailangan para sa pagtaas ng sahod, makatarungang benepisyo, at seguridad sa trabaho.
Alam natin na ang mga health care workers ay nagsilbing modernong bayani dahil sa kanilang mga pagsisikap sa panahon ng pandemya, pero ang panawagan para sa mas mataas na sahod ay sadyang hindi naibibigay sa kanila.
Sa kasagsagan ng pandemya, ilang empleyado sa medical field ang humihingi ng tulong dahil marami rin sa kanila ang nahawahan ng COVID-19, habang ang ilan ay namatay pa sa sakit.
Nararapat lang na sila ay pagbigyan sa hiling na taas-sahod dahil sobra ang kanilang sakripisyo para sa bansa, lalo na ngayong nasa gitna pa rin tayo ng pandemya.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments