Taas-presyo sa mga bilihin, ‘wag namang sabay-sabay
- BULGAR
- Jan 6, 2024
- 2 min read
ni Ryan Sison @Boses | January 6, 2024
Hirap ang tiyak na kakaharapin ng taumbayan sa pagpasok pa lang ng taong 2024 dahil sa may mga pagtaas sa presyo ng mga pangunahing bilihin sa mga susunod na araw.
Batay sa Department of Trade and Industry (DTI), maaaring tumaas ang presyo ng bigas, canned sardines, instant noodles at gatas dahil ang mga manufacturer ng mga produktong ito kasama na ang canned meat, kape, bottled water, asin, at condiments ay may nakabinbing petisyon para sa price increase nito.
Anang DTI, depende sa produkto at bigat, na mula P0.25 hanggang P7.25 ang hinihingi nilang pagtaas ng presyo.
Para sa mga bread products gaya ng Pinoy tasty at Pinoy pandesal, ang price adjustment ay maaaring umabot sa P2 hanggang P2.50.
Maging ang mga manufacturer ng iba pang essential products tulad ng mga baterya, kandila, at sabon ay humirit na rin sa gobyerno para magtaas ng kanilang presyo.
Paliwanag ng DTI, nagpetisyon ang mga manufacturer para sa taas-presyo noong 2022, subalit hiniling lamang na ipagpaliban ang pagpapatupad nito.
Ayon kay DTI Assistant Secretary Amanda Nograles, kasalukuyang nakikipag-usap at nakikipagtawaran ang ahensya sa mga manufacturer kung paano sila magkikita sa gitna o makapag-compromise ang magkabilang panig.
Giit ni Nograles, ngayong 2024 ay hindi na mapipigilan ang mga ito dahil kung maiipit ang mga manufacturer, ang mga matatamaan at maaapektuhan ay ang mga trabaho.
Sa mahigit 200 item sa listahan ng necessities and prime commodities ng DTI, 63 rito ang hiniling ng mga manufacturer para sa price hikes.
Gayunman, sinabi ng DTI na kumikilos na sila upang maging mahina lamang ang dagok nito sa bulsa ng mga mamimili.
Pahayag ni Nograles, hindi lahat ay ia-approve sa bulto lahat ngayong Enero habang kung sino ang naunang nag-file noong 2022 pa at saka early 2023, ito ang mga mauunang ire-release ng DTI.
Binigyang-diin naman ng opisyal na hindi dapat mag-alala ang mga konsyumer dahil iniisip din ng DTI kung paano ang magiging pacing at magandang timing para ma-rollout ang naturang approval.
Panibagong dusa na naman ang naghihintay sa mga mamamayan dahil sa napipintong taas-presyo ng mga pangunahing bilihin gaya ng bigas, noodles, sardinas, gatas at iba pa.
Halos nakakabangon pa nga lang ang iba ay susuong na agad sa matinding paghihigpit ng sinturon, matapos ang sunud-sunod din na naranasang hirap sa taas-presyo ng bilihin noong nakaraang taon.
Hindi rin naman natin masisisi ang mga manufacturer dahil kailangan at dapat nang ipatupad ang apela nilang price hike sa kanilang mga produkto, at nagsakripisyo rin sila ng ilang taon.
Siguro, sakaling magtaas man ang presyo ng mga bilihin ay huwag sanang sabay-sabay habang dahan-dahan lamang ang pagsasagawa nito.
Gayundin, paglaanan sana ng kinauukulan ng pondo ang mga ganitong sitwasyon, para naman hindi nabibigla ang taumbayan na hindi rin alam kung saan kukuha ng ipantatapal at dagdag sa kani-kanilang badyet.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com
Comments