Swisso, pinauwi na ang Cebu sa FIBA 3x3 Lipik Challenger
ni Anthony E. Servinio - @Sports | July 25, 2022

Naging mas matatag ang Fribourg ng Switzerland sa huling mga minuto upang pabagsakin at pauwiin ang Cebu Chooks ng Pilipinas, 21-18, sa 2022 FIBA 3x3 Lipik Challenger sa Croatia noong Sabado ng madaling araw, oras sa Pilipinas. Galing ang mga Pinoy sa 8-21 talo sa top seed Liman Huishan NE ng Serbia kaya naging knockout match ang tapatan ng Chooks at mga Swisso.
Umarangkada ang Cebu sa 9-4 simula kung saan may tig-isang two-points sina Mark Jayven Tallo, Zachary Huang, Brandon Ramirez at Mike Harry Nzeusseu. Sa kasamaang palad, biglang nanlamig ang mainit na shooting pagkakataon ito para rumatrat ng 7 sunod-sunod na puntos ang mga Swisso at maagaw ang lamang 11-9.
Ginawa ni Tallo ang lahat ng makakaya at bumanat ng 2-points upang magbanta, 18-19, at 2:15 sa orasan. Nakakuha ng foul si Robert Zinn ng Fribourg subalit nagmintis ang dalawang free throw upang maiwang bukas ang pinto para sa Cebu subalit hindi pumasok ang dos ni Tallo at napunta ang bola kay Zinn na bumawi sa pag-shoot ng nagpapanalong two points na eksaktong dalawang minuto ang nalalabi.
Parehong nagtapos na may 8 puntos sina Zinn at Paul Arthur Gravet para sa Fribourg. Walong puntos din si Tallo at sinundan nina Huang na may apat at Nzeusseu at Ramirez na tig-3 puntos.
Ganado pa rin ang Liman sa madaling 21-11 tagumpay sa Fribourg at dinala nila ito kontra sa Cebu, ang parehong koponan na binigo nila sa quarterfinals ng Manila Masters noong Mayo. Isa pang kinatawan ng Pilipinas, ang Manila Chooks, ay dapat sanang lalahok sa qualifying round. Mga suliranin sa pagkuha ng bisa ang nakapigil na makalakbay ang koponan at pinalitan sila ng Skradin ng host Croatia.





Comments