top of page

Suwerteng nunal, wa’ epek dahil nakokontra ng iba pang nunal

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Oct 26, 2021
  • 3 min read

ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Numero| October 26, 2021



Dear Maestro,


May nunal ako sa kanang bahagi ng mukha, sa may pisngi sa gawing itaas, at sabi n’yo ay susuwertehin ang mga taong may ganitong nunal, pero bakit hanggang ngayon ay sakbibi pa rin ako ng kahirapan at kamalasan sa buhay? Kailan ba ako susuwertehin, kapag ba pantay na ang aking mga paa o hindi na ako makagulapay dahil sa sobrang katandaan?


Simple lang naman ang pangarap ko, Maestro, ang mapagtapos sa pag-aaral ang anim kong mga anak at magkaroon kami ng sariling bahay at lupa. Matutupad ba ito at paano ba ako susuwertehin? April 18, 1968 ang birthday ko.


Umaasa,


Gener ng San Roque, San Luiz, Pampanga

Dear Gener,


Alam ko kung bakit sa kabila ng may nunal ka sa kanang bahagi ng pisngi ay hindi ka pa rin sinusuwerte, gayung ayon sa Molesophy (sining at siyensiya na nag-aaral at nag-i-interpret ng iba’t ibang nunal at pekas sa katawan upang malaman ang natatagong ugali at sadlakang kapalaran ng isang tao), masuwerte ang anumang nunal na matatagpuan sa kanang bahagi ng mukha o pisngi.


Sigurado akong bukod sa nunal sa kanang bahagi ng pisngi ay marami ka pang nunal sa kaliwang bahagi ng iyong mukha o pisngi.


Ito ang dahilan kaya ang nunal mo sa kanang bahagi ng mukha ay nababalewala. Ito ay dahil hindi “independent mole” o sa mas klarong paliwanag, kinokontra ng iba pang nunal sa kaliwang bahagi ng mukha ang suwerte sanang nunal sa kanang bahagi ng mukha.


Kaya ang ibang tao na napakaraming nunal sa mukha ay bihira at mahihirapang suwertehin sa buhay. Ito ay dahil “scattered” o nagkalat ang lucky at unlucky charm na inirerepresenta ng mga nunal sa iba’t ibang bahagi ng mukha. Ito rin ang dahilan kaya ang mga taong maraming nunal sa mukha ay masyadong abala ang isipan at kung anu-ano ang pinaggagawa, na kadalasan ay nawawalan ng konsentrasyon o iisang definite chief aim lang dapat sa kanilang buhay.


Ang tamang interpretasyon o mungkahi, dapat ay kaunti lang ang nunal o hangga’t maari ay isa lang o dapat puro sa kanan lang ang nunal at wala sa kaliwa dahil ‘yun ang ituturing na talagang masuwerte at mapalad na nunal.


Hindi ko naman sa iyo mairerekomendang burahin ang mga nunal mo sa kaliwang pisngi, dahil kung buburahin mo lahat ‘yan, tulad ng inaakala o iniisip natin, masyadong marami at ang iba ay maaaring maliit o malalaki na.


Ngayon, kung tama ang ating sapantaha na may nunal ka nga sa kanang pisngi na simbolo ng suwerte, pero hindi naman makalutang ang magandang kapalaran dahil marami ka ring mga nunal sa kaliwang pisngi, mas mabuting pagtuunan ng pag-aanalisa ang birth date mong April 18, 1968 upang matuklasan natin sa pamamagitan ng Astro-Numerology na pag-aanalisa ang iba pang paraan o teknik kung paano ka susuwertehin at matutupad ang mga pangarap mo sa buhay.


Samakatuwid, ikaw ay under sa zodiac sign na Aries, sa birth date na 9 (ang 18 ay 1+8=9) sa destiny number na 1. Naging 1 ang destiny number mo dahil ang April 18, 1968 ay may ganitong kompyutasyon 4+18+1968=1990/ 19+90=109/ 10+9=19/1+9=10/ 1+0=1.


At alam mo ba kung saan ka susuwertehin? Sa pamumulitika at paglilingkod sa bayan.


Kaya ngayon pa lang, maghanap ka na ng mga gawain na maaaring makatulong ka sa inyong barangay o makilahok ka sa mga gawaing may kaugnayan sa public service, puwede ring ang maging daan mo ay sa relihiyon patungo sa pulitika. Basta ang mahalaga, makahanap ka ng daan upang makapaglingkod sa iyong mga kababayan nang libre at bukal sa loob.


Sa ganyang paraan, kapag nagkaroon ka na ng posisyon sa inyong barangay o bayan,

magsisimula ka nang suwertehin at sa ganyang paraan, tiyak nang matutupad ang mga pangarap mo sa buhay sa tulong din ng mga tao na magiging koneksiyon mo sa pamahalaan at iba pang pribado at mayayamang indibidwal.


Dahil ikaw ay Aries, may double strong na number na 9 at 1, at sabi natin ay marami kang nunal sa mukha, ngayon pa lang ay maglalabas ka na ng bahay dahil kailangan mong gamitin ang iyong suwerte upang maipakita sa iyong kababayan ang kahalagahan ng iyong talento at nalalaman.


Kapag nakilala ka nila na isang mahusay na public servant, tulad ng inaasahan, magsisimula ang iyong malaking buwenas hanggang sa tuloy-tuloy ka nang lumigaya at umunlad. Kasabay nito, matutupad na rin ang iyong mga pangarap na mapagtapos ang iyong mga anak sa pag-aaral at sa bandang huli, dahil sa paglilingkod sa bayan, kusa ka na ring magkakaroon ng sariling bahay at lupa.


Ang pangyayaring tinuran, na susuwertehin ka sa paglilingkod sa iyong mga kababayan ay inaasahang magsisimulang maganap sa panahong ito na umiinit na ang halalan, ngayong 2021 hanggang 2022 sa edad mong 53 pataas.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page