top of page
SPECIAL ARTICLE - “MUNTIK NA AKONG MAMATAY KAYA DESERVE KO ‘TO!” - HEART-IG _iamhearte.jpg

Suwerteng kulay at araw para umunlad

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Jun 27, 2023
  • 3 min read

ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran ayon sa Numero | June 27, 2023



Dear Maestro,


Naisipan kong sumangguni sa inyo dahil nais kong malaman ang aking kapalaran.


Ano ba ang magiging kapalaran ko? Gradweyt ako ng 4 years course ngunit hindi pa rin ako sinusuwerte lalo na sa career at love life.


Paano ba ako susuwertehin? May mga naging boyfriend ako rati, kaya lang bakit kaya hindi sila nagtatagal? Ano ba ang sikreto ng aking kapalaran upang ako magtagumpay at lumigaya sa buhay? October 6, 1998 ang birthday ko.

Umaasa,

Rhealyn ng Binakod, Paombong, Bulacan

Dear Rhealyn,


Kung pagbabasehan ang zodiac sign mong Libra at birth date na 6 ganito ang sikreto ng iyong tagumpay at kaligayahan.


Higit na mananaig sa iyong kapalaran ang pagiging Libra. Ibig sabihin nito, kailangan mo gumamit ng kulay red, pink, lavender, lilac at iba pang kulay na hango sa red, lalo na sa mahahalagang bagay na iyong pupuntahan at puwede ring kahit hindi mahalagang okasyon, gano’ng kulay ang gamitin mo upang mas madali mong mahigop ang suwerte at magandang kapalaran.


Dapat ka ring makipagkaibigan, at makipagsalamuha sa mga zodiac sign na nagbibigay ng suwerte at nagpapasaya sa isang Libra, sila ang mga zodiac sign na Gemini, Taurus, Aquarius at kapwa mo Libra, higit lalo silang may birth date na 2, 3, 7, 8, 9, 11, 12, 16, 17, 18, 21, 25, 26, 27, 29, at 30.


Malaki ang maitutulong sa iyong career at pag-ibig ang mga taong nabanggit. Sapagkat tulad ng nasabi na, sila ang birth date at zodiac sign ang suwerte sa mga taong Libra na tulad mo.


Dagdag dito, asahan mo na tuwing sasapit ang mapalad mong panahon, may magandang pangyayaring magaganap sa iyong kapalaran o magkakaroon ng positibong resulta ang iyong mga proyektong ipatutupad o mga mahahalagang lakad na iyong pupuntahan.


Ang suwerte ay magsisimula sa ika-19 ng Mayo hanggang sa ika-27 ng Hunyo, sa buong buwan ng Setyembre at Oktubre, at mula sa ika-19 ng Enero hanggang sa ika-27 ng Pebrero.


Dahil ang Libra at numerong 6 ay under sa planetang si Venus na siyang “diyosa ng kagandahan” sa mitolohiyang Romano, dapat din laging aliwalas, romantiko at maraming mga halaman ang kapaligirang iyong ginagalawan, upang lumakas ang aura ng iyong personalidad. Kaya kung wala kang tanim na mga halaman sa bahay, ikaw ay paniguradong isang Libra na walang kabuhay-buhay.


Samantala, kung ikaw ay magtatanim ng mga ornamental plants at bulaklaking mga halaman sa inyong bahay, magsisimula ka na ring suwertehin at magkakaroon ng magandang kapalaran, lalo na kung ito’y santan o kaya’y gumamela na may iba't-ibang kulay, higit lalo kung ikaw ang direktang nagdidilig, nagtatanggal ng mga tuyong dahon o kumakalikot ng mga halaman tuwing umaga o kaya’y sa panahon ng pagdadapit hapon.


Dagdag dito ang isa pang nagpapasukdol ng inner energy para sa mga may zodiac na Libra at kasama na rin silang mga under sa zodiac sign na Taurus ay ang pagkain. Ano ang ibig sabihin nito?


Kapag ang isang Libra ang siya mismong nagluluto ng pagkain sa bahay at sila rin ang namimili ng lulutuing pagkain sa supermarket o sa palengke, umasa kang ang Libra na ito ay may positibong kapalarang tinatahak sa mga sandaling iyon. Hindi lang ‘yun, sa halip, kapag ang nanay na Libra ang nagluluto at nagpe-prepare ng kakainin ng kanyang pamilya, ang nasabing pamilya ay higit na magtatagumpay at habambuhay na magiging maligaya. Magkakaroon sila ng matatalino at mababait na mga anak.


Ang bumubuhay kasi sa mga may kabiyak ay kapag nakikita nila ang kanilang minamahal, sumasaya sila sa mga tagpo o sandaling kapiling nila ang kanilang partner, kaya buo ang araw nila, kasi nga ay nakita na nila ang kanyang inspirasyon, ngunit sa mga taong may zodiac sign na Libra at Taurus, pagkain ang magiging taga-buhay ng kanilang dugo at pampalakas ng kanilang suwerte at enerhiya.


Sa sandaling nahahawakan, nakikita, higit lalo’t nalalasahan pa nila ang kanilang mga paboritong pagkain, do’n naman tumataas ang kasiglahan o enerhiya ng isang Libra at Taurus, kaya sa mga sandaling iyon, tiyak na susuwertehin siya, sa ayaw o gusto man niya, kasabay nitong susuwertehin ang minamahal at inaalagaan niyang pamilya.


Kapag lagi mong kasama ang nasabing mga bagay tulad ng naipaliwanag na, iyon ang tanda na susuwertehin ka na, magtatagumpay at magiging maligaya, hindi lang sa pag-ibig at career, kundi sa lahat ng aspeto ng iyong buhay.


Samantala sa sandaling sinunod mo ang mga simpleng rekomendasyong inilahad sa itaas, walang duda, ayon Decadens ng Kapalaran, sa susunod na taong 2024 bago sumapit ang edad mong 27 magsisimula ka nang magtagumpay sa iyong career at sa pag-ibig makakatagpo ka na rin ng isang lalaking hindi salawahan, sa halip isang mabait na lalaking, mamahalin ka ng tapat at habambuhay na paliligayahin.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page