top of page
WINNER - MAGULANG NI VINCENT, GALIT NA GALIT NA ITINAGO SA KANILA ANG KASAL KAY BEA-FB Nan

Surprise drug testing sa mga pulis, gawing regular

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Aug 29, 2023
  • 2 min read

ni Ryan Sison @Boses | August 29, 2023


Bilang patunay ng seryosong paglilinis sa kanilang hanay, na bahagi rin ng kampanya ng Philippine National Police (PNP), ipinatupad ang isang “surprise drug test” sa mga matataas na opisyal at miyembro ng National Capital Region Police Office (NCRPO), kamakailan.


Sa ginanap na command conference ng mga police officials sa NCRPO, isinagawa ang nasabing surprise drug test. Nanguna sa drug testing si NCRPO Chief PBrig. Gen. Jose Melencio, Nartatez, Jr., habang sumalang din ang mga dumalo sa conference kabilang na ang mga police regional staffs, 5 district directors ng Metro Manila, chiefs of police, at mga station commanders.


Ang surprise drug test ay bahagi ng 5-Focused Agenda ni PNP Chief PGen. Benjamin Acorda, Jr. na layong pataasin ang integridad ng mga pulis at maiwasang masangkot sa anumang katiwalian, ayon kay Nartatez.


Aminado naman ang NCRPO chief na kailangan na muling ibangon ang imahe ng PNP sa pamamagitan ng paglilinis sa kanilang hanay dahil na rin sa sunud-sunod na pagkakasangkot ng mga pulis sa iba’t ibang kontrobersiya sa ngayon. Giit pa ni Nartatez, hindi niya kukunsintihin ang sinumang pulis na madadawit sa katiwalian at krimen.


Kaugnay nito, sinabi ng opisyal na tutukan nila ang walong pangunahing index crime sa Metro Manila na kabilang ang kampanya laban sa illegal drugs, loose firearms at terorismo.


Batid natin na hindi madali ang pagsugpo sa ilegal na droga, katiwalian at kriminalidad sa ating bansa. Tanging ang may kakayanan nito ay ang ating kapulisan, awtoridad at pamahalaan.


Subalit, tila ang mga pinagtitiwalaan ng mga mamamayan na magtatanggol at poprotekta laban sa anumang krimen ay sila pang nasasangkot sa krimen.


Marahil, tama lang ang sinimulan nilang paglilinis sa kanilang organisasyon. Dapat sigurong regular na nilang gawin ang surprise drug testing para tuluyan nang maalis ang mga bulok at tiwali sa kanilang hanay dahil sa umaasa pa rin ang taumbayan sa kanilang tapat at marangal na pagseserbisyo.


Hiling din namin na sana ay matupad ninyo ang sinumpaang pangakong ‘to serve and protect’ sa mga mamamayan at sa ating bayan.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page