top of page
TALKIES - “HINDI MASAMA NA BUMILI NG MAHAL KUNG AFFORD MO” - HEART_IG _iamhearte.jpeg

“Surge fee”, bagong pasanin sa mga komyuter

BULGAR
Oct 20, 2022
2 min read

ni Ryan Sison - @Boses | October 20, 2022


Hindi nagtatapos sa dadag-P1 na pamasahe ang solusyon sa patuloy na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo.


Kamakailan kasi, muling tumaas nang P1 hanggang P3 ang kada litro ng petrolyo, bagay na dagdag-hamon sa mga tsuper. Giit ng mga ito, hindi mapakinabangan ang dagdag-pasahe dahil panggasolina lang ito.


Dahil dito, humihirit ang ilang transport groups na magpatupad ng “surge fee” sa pamasahe ng mga jeep at bus tuwing rush hour at peak hours bilang tugon sa pagtaas na presyo ng langis.


Base sa petisyon, hiling ng mga grupo ang dagdag na P1 sa pamasahe kada kilometrong biyahe sa mga traditional at modern jeep sa ibabaw ng minimum fare tuwing peak hours o alas-5:00 ng madaling-araw hanggang alas-8:00 ng umaga at alas-4:00 ng hapon hanggang alas-8:00 ng gabi, habang dagdag na P2 naman para sa mga bus.


Ang naturang surge pricing ay tulad ng ipinatutupad na dagdag-pasahe ng mga ride-hailing apps tuwing mabigat ang daloy ng trapiko habang nasa peak hours ang mga kalsada.


Samantala, tiniyak ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na pag-aaralan ang petisyon. Patuloy din umano ang ahensya sa pag-aaral ng mga petisyong inihahain sa kanila, gayundin ang iba pang polisiya para sa kapakanan ng mga driver, operator at pasahero.


Sa totoo lang, mabigat para sa mga komyuter ang nangyaring pagtaas ng pamasahe sa mga nakalipas na buwan, kaya kung maipatutupad ang hirit “surge fee”, dagdag-pasanin ito para sa mga biyahero.


At kahit gustuhin nating hindi maipasa sa mga komyuter ang problema, no choice dahil hindi na mapigilan ang taas-presyo ng produktong petrolyo.


Kaya panawagan natin sa mga kinauukulan, habang tinitiyak n’yo na natutugunan ang hinaing ng mga drayber at operator, sana’y maging patas ang solusyon para sa mga biyahero.


Kumbaga, walang agrabyado dahil ang lahat ay makikinabang.

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page