top of page
BULGARY - SERYE NI COCO, INIREKLAMO SA MTRCB, TULOY PA RIN-IG _dreamscapeph.jpg

Supplies allowance ng mga guro, dapat pang dagdagan!

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Aug 19, 2020
  • 3 min read

ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | August 19, 2020



Dahil sa kabi-kabilang panawagan kaugnay sa kakulangan nang paghahanda ng maraming guro dahil sa iba’t ibang kadahilanan ay iniurong na ng pamahalaan ang pagbubukas ng klase sa darating na Oktubre 5.


Ang panawagang ipagpaliban muna ang pagbubukas ng klase ay hindi lamang sa mga magulang nagmula dahil maging ang mga guro ay ganito rin ang pakiusap lalo pa at nanggaling tayo sa napakahabang quarantine na labis na nakaabala sa mga guro para makapaghanda.


Gayunman, hindi na pinigilan ng pamahalaan ang mga pribadong paaralan na magbukas ng klase sa anumang araw na gusto nila partikular ‘yung mga nakapag-anunsiyo na sa Agosto 24.


Ayon sa mga guro, mas makabubuting unahin muna ang kaligtasan ng bawat isa laban sa COVID-19 kesa sa madaliin ang pagbubukas ng klase na alam umano nilang kulang na kulang sa preparasyon.


Lalo pa at distance learning o Basic Education-Learning Continuity Program (BE-LCP) ang napagkasunduang sistema na dapat gamitin na alam naman nating lahat na hindi pa handa ang mga telecommunications company para tugunan ang serbisyong kailangan lalo na sa bulubunduking bahagi ng ating kapuluan.


May mga isasailalim sa virtual class, pero para sa walang internet at gadget ay modular ang sistema, mayroon din sa TV at radyo ang lesson gaya ng DepEd TV. Ipi-print naman ng mga teacher ang module tapos kukunin ng mga magulang ang module sa paaralan.


Marami rin sa ating mga pampublikong guro ang ngayon pa lamang naghahanda lalo na ‘yung mga nasa lalawigan dahil sa kulang na kulang sila sa kagamitan kaya sila na mismo ang gumagawa ng paraan.


Kaya ngayon, muli nating pinaghahandaan at tinatrabaho na madagdagan pa ang supplies allowance ng mga guro na gawing P10, 000, imbes na P5, 000 na mula sa P3, 500.


Sa ganitong paraan ay maiiwasan na ang paghingi-hingi pa ng mga guro sa kung kani-kanino at matutuon na lamang ang kanilang atensiyon sa pagtuturo at pag-aaruga ng kani-kanilang estudyante.


Dahil malapit na ang pagbubukas ng klase, marami sa ating pampublikong paaralan ang kulang na kulang sa pang-printing umano ng modules, A4 bond paper, printer, printer ink, hygiene kit at alcohol at lahat ng ito ay pinagtutulungan ng mga guro at mga magulang sa ilalim ng Brigada Eskuwela.


Sa kabilang banda, umuusad na rin ang isinumite nating Senate Bill No. 660 o ang “An Act to Provide for a Housing Program for Teachers” na kinumpirma mismo ng Senate Committee on Urban Planning, Housing and Resettlement ang kahalagahan nito.


Para talaga sa mga teachers ang bill na ito dahil binibigyan nito ng malaking tulong ang lahat ng guro na magkaroon ng disenteng bahay para sa kani-kanilang pamilya at hindi ‘yung palagi na lang silang nakatuon sa kanilang suweldo o dagdag-sahod, pensiyon at benepisyo sa kanilang pagreretiro.


Maging ang PAG-IBIG mismo ay tumugon na sa panukalang ito at tiniyak nilang kaya nilang magbigay ng lima hanggang sampung bilyong piso para sa mga empleyado ng Department of Education (DepEd) kada taon, na higit na mas malaki kesa sa itinalaga nilang budget para sa proposed housing loan program.


Sa ilalim ng ating bill, ang pagpapatupad ng Teachers Housing Program ay may tatlong major financing schemes: Housing Loan, Developer Assistance Fund, at Guarantee System Fund.


Kaya sa ating mga guro, pagbutihin n’yo lang ang inyong trabaho lalo na ngayong panahon ng pandemya dahil sa angking husay ninyo nakasalalay ang kinabukasan ng mga kabataan at ako bilang lingkod-bayan ay pagsisikapan kong maiangat ang inyong buhay.


Anak ng Teteng!

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o

mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page