top of page
SPECIAL ARTICLE - “MUNTIK NA AKONG MAMATAY KAYA DESERVE KO ‘TO!” - HEART-IG _iamhearte.jpg

Suplay ng kuryente numinipis na, kailangan nang magtipid

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Feb 27, 2023
  • 2 min read

ni Ryan Sison @Boses | Pebrero 27, 2023

Panahon na naman ng tag-init, tiyak na magiging manipis o tight din ang suplay ng kuryente sa gitna ng mataas na demand nito.


Ito ang naging babala ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) sa mga konsyumer.


Batay sa forecast ng NGCP, tinatayang tataas sa 13,125 megawatts (MW) ang peak demand sa Luzon na tatagal hanggang sa katapusan ng Mayo ng kasalukuyang taon.


Paliwanag ng Department of Energy (DOE), nasa 8.35% ito na mas mataas kumpara sa aktuwal na peak load na 12,113 megawatts noong nakaraang taon.


Inaasahan naman sa Visayas na sa Setyembre ang magiging peak demand ng kuryente habang sa Mindanao ay makararanas ng peak demand sa Hunyo.


Sinabi ng power grid operator na inaasahan na rin nila ang pagkakaroon ng manipis na operating margins sa Luzon mula Abril hanggang Hunyo dahil nangyari na ito sa mga nakalipas na taon kung saan tumataas ang demand nito tuwing buwan ng tag-init.


Ayon pa sa NGCP, bagama’t ang base case projections ay walang ipinapakitang yellow o red alerts, may ilang mga linggo sa pagitan ng mga buwan ng Marso at Abril, mas mababa sa required levels ang operating margins dahil ito sa mataas na demand at planned outages ng mga planta.


Ang yellow alert ay iniisyu kapag ang suplay ng kuryente ay mas mababa sa contingency requirement ng grid, habang nag-iisyu ng red alert kung ang suplay naman ay mas mababa kumpara sa demand ng mga konsyumer.


Sa tuwing papalapit ang tag-init o summer, umuusbong na rin ang mga problema hinggil sa suplay ng kuryente sa bansa. Maaaring dahil ito sa napakataas na pangangailangan o demand ng mga konsyumer, nasa bahay man ang mga ito o nasa trabaho at paaralan.


Halos iisa lang ang katwiran ng taumbayan, napakainit ng paligid na sadya namang may katotohanan. Kaya ang resulta, sabay-sabay at kabi-kabila rin ang paggamit ng elektrisidad at kuryente na kasugatan sa kanilang reklamo.


Bukod pa rito, nahihirapan din ang gobyerno na humanap ng mapagkukunan pa ng enerhiya, kahit na mayroon na tayo ng tinatawag na geothermal energy na isa sa mga nagsusuplay ng kuryente sa bansa.


Subalit, kung kinakapos na at patuloy na magiging manipis ang suplay ng ating kuryente, baka sa bandang huli ay mauwi na naman tayo sa sunud-sunod o scheduled brownout sa maraming lugar tulad ng naranasan na natin noong mga nakalipas na taon.


Marahil, dapat na maghinay-hinay ang mamamayan sa paggamit ng kuryente at umpisahan na rin ang pagtitipid.


Kailangan ding mag-isip ng mga kinauukulan ng iba pang pamamaraan para mapunuan ang nauubos na suplay at mapaghandaan ang posibleng magiging kakulangan nito.


Lalo nating isipin na dapat na magkatuwang itong reresolbahin ng gobyerno at taumbayan.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page