Suns, malupet sa 30 panalo, Bucks, seryosong mag-champ
ni Anthony E. Servinio - @Sports | January 09, 2022

Ipinakita ng World Champion Milwaukee Bucks na seryoso silang umulit bilang kampeon ngayong taon at tinalo ang biglang malabnaw na Brooklyn Nets, 121-109, sa NBA kahapon mula sa Barclays Center at lalong pahigpitin ang karera sa taas ng Eastern Conference. Nanatiling numero uno sa East ang Chicago Bulls matapos manalo sa Washington Wizards, 130-122, ang kanilang ika-siyam na sunod.
Ginamit ng Bucks ang pagkakataon na wala si Kyrie Irving na hindi puwedeng maglaro sa Barclays dahil hindi pa rin bakunado at umabot hanggang 24 ang lamang sa 3rd quarter, 87-63. Kumuha ng lakas ang Milwaukee kay Giannis Antetokounmpo na may 31 puntos at Bobby Portis na may 25 puntos at 12 rebound upang umakyat sa 26-15 subalit nanatiling pangalawa ayon sa porsiyento ang Nets sa 24-13 panalo-talo.
Sumunggab si Cameron Johnson ng career-best 24 points habang 19 puntos si Jalen Smith para matulungan ang Phoenix Suns sa 106-89 victory laban sa bisitang Los Angeles Clippers. Nakatulong sina Chris Paul sa 14 puntos at Devin Booker, 11. Ang Phoenix ang unang NBA team na nakaabot sa 30 panalo ngayong season.
Unang beses nanalo ng apat na sunod ang Los Angeles Lakers ngayong torneo at binigo ang bisitang Atlanta Hawks, 134-118, at patuloy ang pag-angat mula sa gitna ng Western Conference. Bumanat para sa 25 ng kanyang 32 puntos sa second half si Lebron James at sinuportahan ni Malik Monk na may 21 ng kanyang 29 puntos sa first half.
Mainit din ang Philadephia 76ers at tahimik na umaakyat sa East matapos tambakan ang San Antonio Spurs, 119-100, para sa ika-anim na sunod na tagumpay. Double-double si Joel Embiid na 31 puntos at 12 rebound. Lima na rin ang magkasunod na panalo ng Toronto Raptors at tinalo ang sobrang kulang na Utah Jazz, 122-108, sa bisa ng triple double ni Fred VanVleet na 37 puntos, 10 rebound at 10 assist.





Comments