Sumabog ang bulkang Mayon, senyales na mauudlot ang plano sa pamilya
- BULGAR
- Jul 21, 2021
- 2 min read
ni Estrellia de Luna - @Panaginip gabay ng buhay | July 21, 2021
Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Lourdes ng Bicol.
Dear Maestra,
Nasisiyahan akong basahin ang column ninyo tungkol sa panaginip. Tunay ngang makabuluhan ang inyong pag-aanalisa at nagiging gabay na rin ng mga sumasangguni sa inyo. Dahil d’yan, naisipan kong magpaanalisa rin sa inyo ng mga panaginip ko. Nakatira ako malapit sa Mayon Volcano rito sa Bicol, may alaga kaming baka at kalabaw na siyang nakakatulong sa aming kabuhayan.
Napanaginipan ko last Sunday na sumabog ang Mayon Volcano at dahil malapit kami sa bulkan, agad kaming lumikas dala-dala ang alaga naming baka at kalabaw. Kagabi naman, napanaginipan kong nagda-drive ako ng wagon na maraming lamang kalakal. Pag-aari ng kaibigan ko ang wagon na minamaneho ko. Ano ang ibig sabihin ng mga panaginip ko?
Naghihintay,
Lourdes
Sa iyo, Lourdes,
Maraming salamat sa pagsubaybay mo sa column ko. Natutuwa ako dahil nasisiyahan ka sa pag-aanalisang ginagawa ko sa mga panaginip na isinasangguni sa akin.
Ang ibig sabihin ng panaginip mo na pumutok ang Bulkang Mayon kung saan malapit doon ang tinitirhan mo, ito ay nagpapahiwatig na may mangyayari sa buhay mo na ikalulungkot mo nang husto. Kung may pinaplano ka para sa kabutihan ng inyong pamilya, hindi magiging maganda ang resulta nito dahil mabibigo ka sa kalalabasan ng iyong mga balak. Mapupurnada ito dahil sa pagtataksil ng isang kaibigang pinagkakatiwalaan mo.
‘Yun namang nagmamaneho ka ng wagon na punumpuno ng mga kalakal ay nagpapahiwatig na may mawawalang kaibigan. Lalayuan ka ng isang kaibigan mo na matagal din naman ang naging pagsasama ninyo noon. Sa hindi malamang dahilan, hindi ka na niya ituturing na kaibigan. Kung nagkataong ang wagon ay sa iyo at ito ay hindi pag-aari ng kaibigan mo, maganda ang kahulugan nito. Aangat ang buhay mo at magtatagumpay ka sa lahat ng hangarin mo sa buhay. Pero ang sabi mo na sa kaibigan mo ang wagon at hindi sa iyo, ihanda mo ang iyong sarili sa gustong ipahiwatig ng panaginip mo. Hindi man naging maganda ang kahulugan nito, isipin mo na ang buhay ng tao ay paikot-ikot lang. Kung may lungkot, may ligaya. Kung may hirap, may ginhawa.
Matapat na sumasaiyo,
Maestra Estrellia de Luna







Comments