top of page
SPECIAL ARTICLE - “MUNTIK NA AKONG MAMATAY KAYA DESERVE KO ‘TO!” - HEART-IG _iamhearte.jpg

Subdivision, ginagawang drug laboratory

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Aug 28, 2023
  • 2 min read

ni Ryan Sison @Boses | August 28, 2023


Sa patuloy na pagsugpo ng mga awtoridad sa ilegal na droga, isang laboratoryo ang nadiskubre habang isang miyembro ng drug syndicate na nagpapatakbo at nag-o-operate ng mga high grades na droga sa bansa ang kanilang naaresto sa isang subdivision sa Dasmariñas City, Cavite.


Batay sa ulat, isinagawa ang operasyon laban sa suspek, na si Mosuke Benjamin alyas Ato, Uganda national, nasa hustong gulang, miyembro ng West African Drug Syndicate (WADS) na nakabase sa Pilipinas, ng pinagsanib na puwersa ng National Bureau of Investigation (NBI) Task Force Against Illegal Drugs (TFAID) sa pangunguna nina Agent Abner Dotimas, Cavite PPO, Police Col. Christopher Olazo, Cavite PPO, PIU, CPPO, Dasmariñas Chief of Police Col. Socrates S. Jaca at PDEA Cavite.


Bitbit ang search warrant, agad sinalakay ng mga operatiba ang tirahan ng suspek at nadiskubre ang kitchen-type drug clandestine laboratory na may mga chemicals, raw materials at iba’t ibang drug paraphernalia. Sa ngayon, nasa NBI headquarters na ang suspek na Uganda national na nahaharap sa mga kaukulang kaso.


Mahusay ang ginagawa ng mga awtoridad sa paglaban sa ilegal na droga dahil sa maituturing na itong salot sa ating bansa na sumisira sa buhay, kinabukasan ng isang indibidwal at kanilang pamilya.


Kung tutuusin, nagiging talamak na naman ang droga sa ating bansa dahil sa malawak na bentahan at paggamit nito.


Subalit, kung patuloy ang gagawing pagkilos ng kinauukulan upang masugpo ito, pasasaan ba at unti-unting mababawasan ang mga gumagamit nito, mahuhuli ang mga pusher at sa huli ay malulutas din ang naturang problema.


Sa ating mga Kababayan, anumang hirap, katayuan o sitwasyon natin sa buhay, huwag sana nating hayaan o subukan man lang na gumamit ng ilegal na droga dahil siguradong masisira at masisira ang inyong buhay at maaaring humantong pa ito sa kamatayan.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page