Strong Group abangan ang laro sa Jones Cup
- BULGAR
- Jul 13, 2024
- 2 min read
ni Anthony E. Servinio @Sports | July 13, 2024

Sisimulan ng Strong Group Athletics ang kanilang kampanya sa 43rd William Jones Cup ngayong Sabado laban sa pambansang koponan ng United Arab Emirates simula 1:00 hapon sa Xinzhuang Gym ng New Taipei City. Layunin ng koponan na dagdagan ang anim na kampeonato ng bansa sa taunang torneo na parangal sa dating Secretary-General ng FIBA.
Itataya ni Coach Charles Tiu ang kanyang perpektong 16-0 kartada sa paggabay sa Mighty Sports sa dalawang Jones Cup noong 2016 at 2019. Ang iba pang kampeonato ng Pilipinas ay dumating noong 1981, 1985, 1998 at 2012.
Ang koponan ay pangungunahan ng beteranong si Keifer Ravena. Ang iba pang mga kakampi ay sina Ange Kouame, Geo Chiu, Jordan Heading, Rhenz Abando, RJ Abarrientos, Dave Ildefonso, DJ Fenner at Caelan Tiongson na lahat ay may karanasan maglaro bilang import sa ibang bansa.
Kinuha rin ng SGA ang mga mag-aaral na sina Allen Liwag at Winston Ynot ng Saint Benilde at Jonathan Manalili ng Letran. Ang mga import ay ang tambalan ng mga 6’9” Tajuan Agee at dating San Miguel Beerman Chris McCullough na hindi itinatago ang pagnanais na maging Filipino at maglaro sa Gilas Pilipinas.
Ang nagkampeon noong nakaraang taon ay ang University of California-Irvine Anteaters na winalis ang walong laro. Ito ang pagbabalik ng Jones Cup matapos matigil noong 2020 hanggang 2022 bunga ng pandemya at ang Pilipinas ay kinatawanan ng Rain Or Shine Elasto Painters na nagtapos na ika-7 na may 2-6 panalo-talo.
Samantala, kahit nawala ang medalyang tanso sa katatapos na Jones Cup ng kababaihan ay nag-uwi ng konswelo ang Gilas Pilipinas at pinarangalan si Jack Danielle Animam bilang kasapi ng First Team. Kasama niya sina MVP Haru Owaki, Rakuko Miyahiro at Natsuki Kinoshita ng kampeon Japan Universiade at Supavadee Kunchuan ng Thailand.
Comments