top of page
Sen. Robin Padilla - FB.jpg

Stroke, ikalawa sa nangungunang sanhi ng kamatayan

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Jun 15, 2024
  • 2 min read

ni Ryan Sison @Boses | June 15, 2024



Boses by Ryan Sison


Itinuturing ang stroke na pangalawa sa nangungunang sanhi ng kamatayan matapos ang heart attack sa ating bansa.


Kilala rin bilang isang “brain attack,” ang stroke ay isang uri ng cerebrovascular disease at kinokonsidera itong isang medical emergency.


Mayroong dalawang uri ng stroke, ito ay ang ischemic at hemorrhagic. 


Ayon sa Mayo Clinic, isang nonprofit American academic medical center, ang ischemic stroke ay nangyayari kapag ang isang namuong dugo o blood clot ay nabuo sa artery at hinaharangan o binabawasan ang suplay ng dugo sa isang area ng brain.


Habang ang hemorrhagic stroke ay nangyayari naman kapag ang blood vessel o daluyan ng dugo sa utak ay nag-rupture o nag-leak, na nagiging sanhi ng bleeding o pagdurugo sa loob ng utak. Ito ay maaaring sanhi ng isang head injury o mahinang artery wall.


Bagama’t ang stroke ay maaaring nakamamatay, ang pagtukoy sa mga signs nito at pagkakaroon ng agad na medical care o atensyon ay kritikal para mabawasan ang posibleng brain damage o pinsala sa utak at iba pang komplikasyon sa mga stroke patient.


Gayunman, sa isang pag-aaral hinggil sa “stroke systems of care in the Philippines” kung saan inilathala sa Frontiers in Neurology journal noong 2022, naipakita rito na higit sa 50 porsyento ng mga acute stroke na pasyente sa ‘Pinas ang naantala ang oras ng pagdating sa emergency room (ER).


Ayon din sa pag-aaral, ang mga nagiging dahilan ng pagkaantala sa pagdating sa ER ay kinabibilangan ng mahinang kamalayan o awareness sa stroke, transportasyon, mga problema, pag-transfer mula sa isang primary hospital na may kaunting stroke care facilities, at marami pang iba. Kaya madalas mas lumalala ang kalagayan ng mga pasyenteng na-stroke.


Hindi biro para sa isang indibidwal na tamaan ng sakit na stroke. 

Posible kasing ma-paralyze ang ating katawan at sa bandang huli ay magresulta ito sa kamatayan.


Marahil, dapat na pagtuunan ng pansin ng gobyerno ang ating health care system.


Magkaroon sana ng mga magagandang programa na tututok sa kalusugan ng bawat mamamayan. Dapat din sigurong magpatayo ang kinauukulan ng mga ospital na may mga kumpletong pasilidad at health equipments para sa anumang uri ng sakit na kailangang gamutin. Gayundin, magtalaga rito ng mga espesyalistang doktor at health care workers upang may agad na tutugon sa lahat ng emergency.


Paalala rin sa ating mga kababayan na patuloy nating pangalagaan ang ating kalusugan habang sikapin natin huwag magkasakit. Isipin natin lagi na pahalagahan ang ating buhay para naman makasama pa natin nang matagal-tagal ang ating pamilya ng malakas at masigla.

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page