top of page
Search
  • BULGAR

Statement ni Ipe sa pagtakbong senador, pang-title ng pelikula, hanep!

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | April 27, 2024



Prangkahan ni Pablo Hernandez


KINOKONTRA NA YATA SI EX-P-DUTERTE, KASI AYAW NG EX-PRESIDENT ANG POLITICAL CHA-CHA, PERO SI SEN. ROBIN, GUSTO -- Tila yata kinokontra na ni Sen. Robin Padilla ang kagustuhan ng kanyang Tatay Digong.


Pabor na kasi si Sen. Padilla na baguhin din ang mga political provision sa 1987 Constitution, taliwas ‘yan sa panawagan ni ex-P-Duterte sa Senado at Kamara na kung magkakaroon ng Charter change (Cha-cha), tanging ang economic provisions lang ang dapat baguhin at huwag pakialaman ang political provisions, kasi kapag ito (political provisions) ang pinakialaman ay posibleng maisingit d’yan ang “no term limit” sa mga pulitiko, period!


XXX


BAKA MANALONG SENADOR SI IPE SA STATEMENT NIYANG ITATAYA NIYA ANG BUHAY NIYA KAY EX-P-DUTERTE -- Matapos ianunsyo ni action star Phillip Salvador na kakandidato siyang senador, sinundan niya ito ng statement na handa raw niyang itaya ang kanyang buhay kay ex-P-Duterte.


Hanep ang statement ni Ipe, ah, pang-title ng pelikula, at sa totoo lang, ‘yang statement niya ang posibleng magpanalo sa kanya sa 2025 midterm election sa pagka-senador, kasi ‘yan ang gustung-gustong naririnig ng milyun-milyong Duterte Diehard Supporters (DDS) sa pulitiko, iyong nagsasabing itataya nila ang buhay nila para sa kanilang Tatay Digong, boom!


XXX


ANG TITIGAS NG ULO NG MGA SURVEY FIRMS, KASI SINABI NA NINA SEN. RAFFY AT CONG. ERWIN NA HUWAG ISAMA SA SURVEY ANG KANILANG MAGA PANGALAN, ISINASAMA PA RIN -- Sa kabila ng panawagan ng mag-utol na Sen. Raffy Tulfo at ACT-CIS partylist Rep. Erwin Tulfo sa mga survey firms na huwag isama ang kanilang mga pangalan sa 2028 presidential survey at 2025 senatorial election dahil ayon kay Sen. Raffy ay wala siyang planong kumandidato sa pagka-presidente at ayon din kay Cong. Erwin ay wala siyang planong kumandidatong senador, isinasama pa rin ng mga survey firms ang kanilang mga pangalan sa mga aspirante sa pagka-presidente at pagka-senador ng  bansa.


Ganyan katigas ang ulo ng mga may-ari ng mga survey firms sa bansa, sinabi na nga nina Sen. Raffy at Cong. Erwin na huwag nang isama sa survey ang kanilang mga pangalan, eh ipipilit pa, tsk!


XXX


PANLOLOKO LANG SA KANYANG FOLLOWERS ANG SINABI NI PASTOR QUIBOLOY NA SIYA ANG PINAKAMAKAPANGYARIHANG TAO SA MUNDO -- Noong wala pa siyang kaso, ang dalas ibida ni Pastor Apollo Quiboloy na siya raw ang pinakamakapangyarihang tao, hindi lang sa Pilipinas, kundi maging sa buong mundo dahil siya raw ay “son of God”.


Pero ngayong may mga kaso na siyang child sexual abuse at child sex trafficking sa Pilipinas at Amerika, todo-tago na siya sa takot na makulong, at patunay na ang pagtatago ngayon ng pastor ay panloloko lang sa kanyang followers ang sinabi niyang siya ang pinakamakapangyarihang tao sa mundo, boom!


0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page