Stallion at Dynamic, sasalang sa AFC Cup
- BULGAR
- Sep 20, 2023
- 2 min read
ni Anthony E. Servinio @Sports | September 20, 2023

Laro ngayong Miyerkules – Binan Football Stadium
4:00 PM Stallion Laguna vs. Bali United
Matapos magtamasa ng tagumpay sa 2022-2023 Philippines Football League (PFL), dadalhin ng Stallion Laguna at Dynamic Herb Cebu ang kanilang husay sa mas mataas na entablado, ang 2023-2024 AFC Cup. Unang sasalang ang Stallion ngayong Miyerkules kung saan dadalaw sa kanila ang Bali United ng Indonesia sa Binan Football Stadium simula 4 p.m.
Nakapasok ang Stallion sa AFC Cup sa bisa ng kanilang pagtapos ng pangatlo sa PFL habang ang Bali ang kampeon ng 2021 Liga One. Ang iba pang haharapin ng koponan sa Grupo G ng ASEAN Zone ay ang Terengganu na pumangalawa sa 2022 Liga Super Malaysia at Central Coast Mariners na pumangalawa sa 2022-2023 A League Men ng Australia.
Inamin ni Stallion coach Ernie Nierras na matagal na nilang pinangarap na makalaro sa AFC Cup at iba ang pakiramdam na makita ang bunga ng kanilang pinaghirapan. Itinatag ang koponan noong 2001 at maraming nilahukan na torneo bago maging isa sa mga unang bumuo ng PFL noong 2017.
Balik ang AFC Cup sa kinagawian na umiikot ang mga laro sa mga tahanan ng koponan.
Balik na rin ang group stage sa dalawang round o tig-anim na laro kumpara sa single round na ginanap sa isang lugar lang sa mga nakalipas na taon bunga ng pandemya.
Bubuksan ng Cebu, ang pumangalawa sa PFL, ang kanilang kampanya sa Huwebes sa Rizal Memorial Stadium kontra Phnom Penh Crown na kampeon ng 2022 Cambodia Premier League simula 8 p.m. Ang iba nilang makakalaro sa Grupo F ay ang Macarthur FC na kampeon ng 2022 Australia Cup at Shan United na kampeon ng 2022 Myanmar National League.
Comments