by Info @Buti na lang may SSS | Nov. 25, 2024
Dear SSS,
Magandang araw! Nais kong itanong kung paano ba kino-compute ang SSS sickness benefit? Salamat. — Shawn
Mabuting araw sa iyo, Shawn!
Ang benepisyo sa pagkakasakit ay cash allowance na ibinabayad sa miyembro para sa bawat araw na hindi siya makapagtrabaho dahil sa sakit o pagkapinsala ng katawan. Ibinibigay ito sa kuwalipikadong miyembro kasama ang mga employed, self-employed, voluntary at Overseas Filipino Workers (OFWs). Dapat ay nakapaghulog siya ng hindi bababa sa tatlong buwanang kontribusyon sa loob ng huling 12 buwan bago ang semestre ng pagkakasakit o pagkapinsala ng katawan.
Para sa mga empleyado, kinakailangan din na nagamit na niya ang lahat ng kanyang company sick leaves. Napakahalaga lamang na tandaan na kinakailangan ng employed member na siya ay makapag-notify sa kanyang employer mula sa unang araw ng kanyang pagkakasakit. Gayundin, binibigyan ang mga employer ng limang araw upang ipagbigay-alam ang pagkakasakit ng kanyang empleyado sa SSS.
Maaari namang mapagkalooban ang isang miyembro ng benepisyo sa pagkakasakit ng hanggang 120 araw sa loob ng isang taon at karagdagang 120 araw sa susunod na taon kung magpapatuloy ang dating sakit. Gayunpaman, kung ang pagkakasakit ay tatagal ng higit pa sa 240 araw, siya ay maaari nang mag-apply sa ilalim ng SSS Disability Benefit.
Ganito kinukuwenta ang halaga ng sickness benefit. Una, alamin ang semestre ng pagkakasakit. Ang isang semestre ay ang dalawang magkasunod na quarter na nagtatapos sa quarter ng pagkakasakit o pagkapinsala ng katawan. Ito ay nagtatapos sa buwan ng Marso, Hunyo, Setyembre o Disyembre.
Ikalawa, alamin ang huling 12 buwan bago ang semestre ng pagkakasakit o pagkapinsala ng katawan. Ikatlo, alamin ang anim na pinakamataas na monthly salary credit sa loob ng nasabing 12 buwan. Ang monthly salary credit ang batayan ng halaga ng benepisyong tatanggapin ng miyembro sa SSS.
Ikaapat, sumahin ang anim na pinakamataas na salary credit upang makuha ang total monthly salary credit. Kailangang i-divide ito sa 180 days upang makuha ang average daily salary credit saka i-multiply sa 90% para makuha ang daily sickness allowance.
Kung anuman ang suma nito ay ang karampatang halaga ng benepisyo o daily sickness allowance ng miyembro batay sa inaprubahang bilang ng mga araw ng kanyang pagkakasakit.
Halimbawa, nagkasakit ang isang miyembro ng pitong araw nitong Hunyo 2024. Ang semestre ng kanyang pagkakasakit ay mula Enero hanggang Hunyo 2024. Ang huling 12 buwan bago ang semestre ng pagkakasakit ay mula Enero hanggang Disyembre 2023. Ipagpalagay natin na ang anim na pinakamataas na monthly salary credit ay P16,000 bawat isa. Samakatuwid, ang kabuuang monthly salary credit ay P96,000 at may average daily salary credit na P533.33. Ang 90% ng kanyang average daily salary credit ay P480. Ito ang kanyang daily sickness allowance. I-multiply ang daily sickness allowance o P480 sa pitong araw at ang lalabas na halaga ay P3,353. Ito ang kabuuang benepisyo sa pagkakasakit ng miyembro para sa pitong araw nitong Hunyo 2024.
Dapat tandaan na ang bilang ng araw na bibigyan ng sickness benefit ay ang bilang ng araw na inaprubahan ng SSS dahil ito lang ang babayaran ng SSS sa employer. Malalaman ng employer kung para sa ilang araw naaprubahan ang sickness claim ng miyembro sa aprubadong sickness notification. Kaya matapos maipasa ng employer ang sickness notification sa SSS ay dapat balikan ng representative ng employer sa branch kung saan ito na-file. Kapag nakuha na ang aprubadong sickness notification, maaari nang ipauna ng employer ang benepisyo.
***
Patuloy na tumatanggap ng aplikasyon ang SSS para sa loan penalty condonation
program nito. Inilunsad ang Consolidation of Past Due Short-Term Member Loans with Condonation of Penalty Program (Conso Loan) para tulungan ang mga miyembro na mayroong past-due loans sa SSS. Sa ilalim ng programa, hindi na sisingilin ang kaukulang penalties o multa ng kanilang past-due loans. Sa halip, ang tangi na lamang nilang babayaran ay ang orihinal o principal amount at interes nito.
Maaaring bayaran ang prinsipal at interes sa pamamagitan ng one-time full payment, o kaya’y bayaran kahit 10% nito bilang down payment at ang natitirang balanse ay babayaran nang hulugan sa loob ng hanggang 60 buwan o limang taon, depende sa halaga ng kanilang pagkakautang.
Sakop ng Conso Loan ang salary loan, calamity loan, Salary Loan Early Renewal Program (SLERP), emergency loan, at restructured loans gaya ng Loan Restructuring Program (LRP) noong mga nakaraang taon.
Upang makapagrehistro sa My.SSS, maaari kang magtungo sa SSS website (www.sss.gov.ph) at magparehistro sa Member portal. Kailangang punan mo ang lahat ng kinakailangang impormasyon. Tandaan na ang irerehistrong e-mail address ay kailangang aktibo at nagagamit pa dahil dito ipadadala ng SSS ang link para i-activate at magamit mo ang iyong My.SSS account.
Para sa tamang impormasyon at updates sa mga programa at benepisyo ng SSS, bisitahin at i-follow ang opisyal na Facebook page ng SSS sa “Philippine Social Security System - SSS” o sa X, ang dating Twitter, sa @PHLSSS. Maaari ring mag-subscribe sa YouTube channel sa “MYSSSPH”, at sumali sa SSS Viber Community, “MYSSSPH Updates”. Maaari kayong magpadala ng inyong concerns at katanungan sa usssaptayo@sss.gov.ph.
תגובות