top of page
Search
  • BULGAR

SSS Maternity benefit application, maaari nang gawin online

@Buti na lang may SSS | May 16, 2021


Dear SSS,

Ako ay freelancer at kasalukuyang naghuhulog bilang self-employed member. Sa ngayon, ako ay nagdadalantao kaya nais kong malaman kung maaari na rin mag-file ng maternity benefit application sa online. – Alicia


Sagot


Mabuting araw sa iyo, Alicia!


Mabuting balita dahil mula ngayong May 31, 2021 ay maaari ng mag-file ng maternity benefit application online ang kababaihang miyembro ng SSS na katulad mong self-employed, maging ang mga employed, voluntary, overseas Filipino worker (OFW) at non-working spouse (NWS). Dahil dito, hindi na kinakailangang sumadya sa alinmang sangay ng SSS upang makapag-file ng claim.


Bahagi ito ng ating kampanya sa ilalim ng ExpreSSS — mas pinadali, mas pinabilis at mas pinasimpleng mga transaksiyon sa SSS. Noong 2020 ay sinimulan na ng SSS ang pagpapaigting ng ating online service facilities kung saan ang Sickness, Unemployment, Retirement at Death ay maaari ng i-file online bilang tugon sa digitalization efforts nito na kasalukuyang ginagawa ng SSS sa gitna ng pandemya.


Maisasagawa ang online na pag-file ng maternity benefit application gamit ang account sa My.SSS na nasa SSS website (www.sss.gov.ph). Kaya dapat tiyaking nakarehistro na sa My.SSS. Kung hindi pa, maaaring magtungo sa aming website (www.sss.gov.ph) at i-click ang “MEMBER.” Dadalhin ka nito sa member login portal at i-click mo ang “Not yet registered in My.SSS?” upang masimulan ang iyong pagrerehistro rito. Punan mo ang lahat ng kinakailangang impormasyon. Nais nating ipaalala na ang dapat irehistrong e-mail address ay aktibo at nagagamit pa dahil dito ipadadala ng SSS ang link para ma-activate at magamit na ang account.


Mahalaga rin na i-enroll ang bank account sa Disbursement Account Enrollment Module (DAEM) kung saan nais mong matanggap ang iyong benepisyo. Kailangan lamang na ang iyong account ay kabilang sa Philippine Electronic Fund Transfer System and Operations Network (PESONet) participating banks.


Upang makapag-enroll sa DAEM, mag-login sa iyong My.SSS account. I-click ang “E-SERVICES” at pagkatapos ay i-click ang Disbursement Account Enrollment Module. Sundin ang lahat ng procedures at punan ang lahat ng kailangang impormasyon. Matapos ito, i-attach ang malinaw na kopya ng napiling dokumento na nagpapatunay na lehitimong sa ‘yo ang account. Magpapadala ang SSS ng magkahiwalay na mensahe sa iyong e-mail address na natanggap na ang iyong account enrollment at ang status o resulta ng iyong enrollment. Kapag mayroon nang My.SSS account, mag-login gamit ang iyong user ID at password.


Kung ikaw ay mayroon ng My.SSS account at nakapag-enroll na sa DAEM, i-click ang “Member.” Mag-login gamit ang user ID at password. Sunod, i-click ang “I’m not a robot” at i-click mo ang “Submit.” Makikita ang mga tab ng “HOME,” “MEMBER INFO,” “INQUIRY,” E-SERVICES,” at “PAYMENT REFERENCE NUMBER (PRN).” Para mag-file ng maternity benefit application, i-click ang “E-SERVICES” tab at sunod na i-click ang maternity benefit application.

Kailangang i-upload ang mga supporting documents hinggil sa iyong maternity benefit application tulad ng Maternity Notification Form na may tatak na natanggap ito ng SSS, pinunuang Maternity Reimbursement Form, UMID o 2 valid IDs. Susuriin naman ng SSS ang mga dokumento na iyong isusumite. Samantala, maaari pa ring humingi ang SSS ng karagdagang dokumento para rito.


Magpapadala ang SSS ng magkahiwalay na mensahe sa iyong e-mail address na natanggap na ang iyong aplikasyon at kung ang iyong claim ay aprubado, rejected o kaya’y denied.


Maaari pa namang mag-file ng maternity benefit application sa over the counter at drop box sa mga sangay ng SSS hanggang Agosto 31, 2021. Subalit, mula Setyembre 1, 2021, ang lahat ng magpa-file ng kanilang maternity benefit claims ay sa pamamagitan na ng kanilang My.SSS account. Dahil dito, hinihikayat natin ang mga miyembro na magparehistro na sa My.SSS.



◘◘◘


Para sa tamang impormasyon at updates sa mga programa at benepisyo ng SSS, hinihikayat namin ang mga miyembro at employer na bisitahin at i-follow ang opisyal na Facebook page ng SSS sa “Philippine Social Security System” o sa Twitter account sa @PHLSSS. Maaari ding mag-subscribe sa YouTube channel sa "Philippine Social Security System" at sumali sa SSS Viber Community, “MYSSSPH Updates."


◘◘◘


Kung mayroon kayong mga katanungan tungkol sa SSS o kaya ay mayroon kayong paksa na nais talakayin sa pitak na ito, maaari kayong magpadala ng e-mail sa mediaaffairs@sss.gov.ph.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page