top of page
BULGARY - SERYE NI COCO, INIREKLAMO SA MTRCB, TULOY PA RIN-IG _dreamscapeph.jpg

SRP sa sibuyas, dapat bantay-sarado

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • May 19, 2023
  • 2 min read

ni Ryan Sison @Boses | May 19, 2023


Sinusuri ng gobyerno ang pagpapatupad ng suggested retail price (SRP) para sa mga sibuyas habang tinitingnan din ang posibleng pag-hoard ng mga ito.


Ayon kay DA Assistant Secretary at spokesperson Kristine Evangelista, makikipagpulong ang ahensya sa mga stakeholder, sa pangunguna ng farmers’ group na Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG) para talakayin ang mga isyu na nakakaapekto sa supply at presyo ng sibuyas.


Dagdag ng opisyal, ang pagpapatupad ng P150/kilo na SRP at pag-aangkat ng sibuyas ang magiging agenda sa susunod na konsultasyon ng mga agriculture officials at grupo ng mga magsasaka.


Samantala, binanggit din ni Evangelista ang reklamo ng mga magsasaka na bumibili ng sibuyas ang mga trader sa mababang farmgate price, ngunit ibinebenta rin sa mas mataas na presyo.


Ayon kay SINAG president Rosendo So, ang retail price ng mga sibuyas ay na-overpriced sa P200 kada kilo. Binanggit din niya na ang mga negosyante ay bumibili lamang ng sibuyas sa mga magsasaka sa halagang P60 kada kilo sa panahon ng anihan.


Dagdag pa ni So, dapat nasa pagitan lang ng P130 at P140 kada kilo ang retail price ng sibuyas upang hindi maulit ang kakapusan ng suplay, na naging dahilan ng pagtaas ng hanggang P720/kilo ng sibuyas noong Disyembre 2022.


Habang naobserbahan nito na dapat magsimulang dumating ang mga imported na puting sibuyas sa Hulyo. Ipinunto rin ni So na dapat magsagawa ang DA at Bureau of Plant Industry (BPI) ng imbentaryo ng mga stocks ng sibuyas sa iba’t ibang cold storage facilities.


Nang pahintulutan ni Pangulong Marcos ang pag-aangkat ng hindi bababa sa 22,000 MT ng sibuyas noong Pebrero 2022, nakasaad na maaari pa ring gamitin ng DA ang mga hindi nagamit na permit sa pag-import.


Magandang mungkahi ang paglalagay ng SRP para sa sibuyas, basta huwag taasan ang patong nito at tiyaking patas ang presyo dahil kawawa rin ang mga mamimili.


Bantayan din sana ng DA ang mga pamilihan, lalo na ang mga nagtitinda kung nasusunod ang SRP.


Kung tutuusin, pansamantalang solusyon lang ito, dapat ang mismong sanhi ng pagtaas ng presyo ng sibuyas ang solusyonan upang hindi na ito tumaas pa dahil sa huli, ang mga ordinaryong mamamayan pa rin ang apektado.

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page