top of page
BULGARY - SERYE NI COCO, INIREKLAMO SA MTRCB, TULOY PA RIN-IG _dreamscapeph.jpg

SRP sa asukal, ‘wag nang patagalin

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Apr 5, 2023
  • 2 min read

ni Ryan Sison @Boses | April 5, 2023


Pinag-iisipan na ng Department of Agriculture (DA) ang paglalabas ng suggested retail price (SRP) para sa asukal.


Ito ang pahayag ni DA Assistant Secretary Kristine Evangelista matapos mapuna ng mga taga-media na hindi pa rin bumababa ang presyo ng asukal sa kabila na 40,000 metriko tonelada ng imported na asukal ang naaprubahan para sa conversion sa domestic use nito at 36,000 metric tons pa ang in-apply para sa naturang conversion.


Batay sa pinakabagong price monitoring ng DA noong Marso 31, 2023, ang refined sugar ay ibinebenta sa halagang P86 hanggang P110 kada kilo habang ang presyo ng washed sugar ay mula P80 hanggang P95 kada kilo. Ang brown sugar naman ay nasa P80 hanggang P95 kada kilo.


Giit ni Evangelista, kung kinakailangan na magkaroon ng suggested retail price ay kanila ring gagawin. Pero ang unang titingnan aniya ngayon ay magkano ang bagsak ng asukal sa mga palengke para malaman kung magkano ang patong ng mga tindera.


Subalit, paliwanag ng opisyal ang pagtutulak ng SRP ay nangangahulugan din na kailangan nating tiyakin kung mayroong supplier ang mga retailer ng murang asukal o may mga nagsusuplay talaga sa mga retailer ng murang asukal.


Ayon kay Evangelista, magtatakda naman sila ng pagpupulong kasama ang Sugar Regulatory Administration (SRA), sugar planters, millers, traders, at retailers para talakayin ang nasabing usapin.


Nang tanungin ang opisyal kung ang retail price ng asukal ay maaaring bumaba gaya ng presyo noong nakaraang taon na P50 hanggang P55 kada kilo nito, sinabi niyang sa ngayon ay medyo malabo pa ito dahil tumaas din aniya, ang cost ng produksyon nito, habang ang abono naman ay tumaas pa. At pagdating naman sa milling, base sa SRA, tumaas din ang cost nito dahil tumaas din ang krudo. Kaya ang kanilang tinitingnan mabuti ay kung paano mapababa ng kahit na man lang P85 ang presyo ng asukal.


Hindi kaila sa lahat na hanggang ngayon ay mataas pa rin ang presyo ng asukal sa merkado.


Tila nalilimutan ng mga kinauukulan na masyado nang mahaba ang panahon ng paghihintay ng taumbayan para bumaba naman ang presyo nito.


May inaprubahan na ring importation o pag-aangkat, pero parang nagpapatumpik-tumpik pa rin at hindi maitakda ang nararapat na suggested retail price nito.


Sana bilis-bilisan na rin ninyo ang desisyon at pagkilos sa isyung ito dahil umaasa ang mamamayan na muli silang makakabili ng murang asukal sa mga pamilihan.

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page