top of page
Bea Alonzo - IG.jpg

Special permit sa PUVs para sa Semana Santa, start na

Writer: BULGAR
BULGAR
Mar 11, 2024
2 min read

ni Ryan Sison @Boses | Marso 11, 2024


Bilang paghahanda sa nalalapit na Semana Santa, tumanggap na ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ng aplikasyon para sa Special Permits (SP) sa mga pampublikong sasakyan. 


Ayon kay LTFRB Executive Director Atty. Roberto Peig, sinimulan na nila ang pagtanggap ng aplikasyon ng SP noong Biyernes, March 8, sa mga public utility vehicles (PUVs) na gustong magbiyahe sa ibang mga ruta o mga lalawigan dahil sa inaasahang pagdagsa ng mga uuwi sa kanilang pamilya na mula sa Metro Manila, partikular na ang mga provincial bus, sa panahon ng Mahal na Araw.  


Binuksan na aniya ng LTFRB ang pagtanggap ng mga aplikasyon para sa special permit habang mayroon nang pakaunti-kaunting nag-aaplay na ngayon para rito.


Ang SP ay ibinibigay ng kagawaran sa mga pampasaherong sasakyan, lalo na ang mga passenger bus, na bibiyahe sa mga lugar na wala sa kanilang ruta, na nakasaad sa franchise nila.


Magugunitang tuwing Semana Santa, kasabay ng mahabang bakasyon, ay napakaraming pasahero ang umuuwi sa mga probinsiya para makasama ang kani-kanilang pamilya, habang dagsa ang mga pasahero galing sa mga lalawigan patungo sa Kamaynilaan upang dalawin naman ang kanilang mga kaanak.


Noong nakaraang taon ay higit 1,000 special permit ang naibigay ng LTFRB sa mga pampasaherong bus.


Batay pa sa kagawaran, para matugunan ang inaasahang demand ng mga public transport para sa special permit, kaya agad nilang sinimulan ang pagkakaloob nito sa kanila. 


Mabuti at inagapan ng kinauukulan ang pagtanggap ng aplikasyon ng mga special permit sa mga pampublikong sasakyan.


Gayundin, tama ang kanilang desisyon na simulan ito ng mas maaga, kaysa nagkukumahog na naman sila sa pagkakaloob ng naturang permit at hindi na masyadong natse-check ang kinakailangang requirements para sa aplikasyon nito.   


Tiyak din kasing dadagsa ang mga pasaherong magsisiuwian sa mga probinsiya para makapagbakasyon at gunitain ang Mahal na Araw, at makapiling ang kanilang pamilya ng matagal-tagal.


Para sa mga kababayan natin sa public transport, samantalahin sana ang ganitong pagkakataon na ibinibigay dahil hindi lang ito magiging dagdag sa inyong kikitain sa panahon ng Semana Santa, kundi makakatulong pa kayo sa maraming komyuter. 


Paalala lamang na sana ay inspeksyunin at i-check nang mabuti ang inyong mga sasakyan bago ito ibiyahe upang maiwasan natin ang anumang disgrasya at maging masaya rin ang ating paglalakbay.

 

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page