top of page

Solusyon sa kapos na tubig at kuryente.. P-BBM: Tipid pa more

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • May 22, 2023
  • 2 min read

ni Mylene Alfonso | May 22, 2023



ree

Umapela si Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos, Jr., sa mga Pilipino at sa local government units na magtipid sa tubig at kuryente habang naghahanda ang bansa para sa El Niño.


Ayon kay Marcos, kabilang dito ang pagtitipid ng tubig sa mga car wash, golf course at pagre-refill ng mga swimming pool.


"Ang DILG (Department of the Interior and Local Government), inatasan natin na paratingin sa mga LGU ang kampanya natin sa pag-mitigate ng impact ng El Niño gaya ng pagtitipid ng tubig sa bahay, sa mga car wash, sa mga pagdidilig ng golf course at pagre-refill ng mga swimming pool," pahayag ni Marcos sa kanyang pinakabagong vlog na pinamagatang "Ang Init" na inilabas noong Sabado ng gabi.


Ayon sa Pangulo, makatutulong ito sa pagpapanatili ng suplay at mahalaga ang partisipasyon ng bawat isa.


"Ito ay inaasahang makakatulong sa pagpapanatili ng ating supply,” wika pa ni Marcos.


Sinabi rin ni Marcos na ang mainit na panahon kasi sa bansa ay lumikha ng pangangailangan ng kuryente na lampas sa suplay.


Bumaba rin aniya ang ulan ng 35 porsyento na nakakaapekto sa mga hydroelectric power plant, dam at irigasyon.


Aniya, matagal nang sinusuportahan ng gobyerno ang mga proyektong makakatulong sa pagbuo o pag-imbak ng higit na enerhiya para sa Pilipinas.


“Ang energy production ay pinapaigting sa pagbubukas ng mas maraming renewable energy sources,” ani Marcos.


“Kailan lang ay in-extend natin ang Malampaya service,” giit ng Punong Ehekutibo.


"Sinusuportahan din natin ang mga bagong teknolohiya tulad ng battery storage para maging sustainable at reliable pa ang ating renewable sources of energy," dagdag pa niya.


Bukod dito, inumpisahan na rin ng pamahalaan ang paghahanda para sa posibleng La Niña matapos ang tagtuyot.


"Sa kabila ng matinding tagtuyot ay naghahanda din tayo para naman sa La Niña o matinding tag-ulan na may dala-dala ring ibang problema," paliwanag ni Marcos.


“Ito ay nangangailangan ng partisipasyon ng bawat isang kababayan nating Pilipino,” pagtatapos ng Pangulo.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page