Solo parent na nais guminhawa ang buhay, sa edad na 49 liligaya at yayaman
- BULGAR
- Aug 19, 2023
- 2 min read
ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran ayon sa Numero | August 19, 2023
Dear Maestro,
Ako ay isang solo parent na may dalawang anak, hindi ako nakapagtapos ng aking pag-aaral, at ngayon ay isa akong tindera sa palengke na nangangarap ding yumaman.
Naisipan kong sumangguni sa inyo upang malaman ang aking masuwerteng buwan, taon, kulay at numero. Mahilig akong makipagsapalaran sa lotto, kaya sana ay matulungan n’yo kaming makaahon sa kahirapan alang-alang na lang sa mga magulang ko na tumanda na’t lahat ‘di man lang nakaranas ng maginhawang buhay at para sa dalawa kong anak na nais kong bigyan ng magandang buhay.
Ang birthday ko ay Disyembre 4, 1991.
Umaasa,
Jho Anne ng San Gabriel, Teresa, Rizal
Dear Jho Anne,
Ayon sa birth date mong 4, sa destiny number na 9 (naging 9 ang destiny number mo dahil, 12+4=1991=2007/ 20+07=27/ 2+7=9) at sa zodiac sign na Sagittarius, mapalad ka sa mga numerong may sumatotal na 1, 7, 8 at 9, tulad ng 10, 19, 28, 37, 16, 25, 34, 43, 17, 26, 35, 44, 18, 27, 36, 45, at iba pang uri nito. Maaari mo ring subukan ang 1, 13, 18, 25, 33, at 42, gayundin ang 4, 15, 19, 26, 31 at 40. Puwede rin ang lucky pick o kaya naman ang mga numerong ituturo ng iyong matalas na intuition.
Samantala, bukod sa nasabing mga numero, mapalad ka rin sa kulay na dilaw at pula, habang ang puti at berde naman ay puwede mo ring gamitin paminsan-minsan.
Kusa namang iigting ang mabuting kapalaran sa buwan ng Abril hanggang Marso, sa buwan ng Oktubre hanggang Disyembre at sa buwan ng Hulyo hanggang Agosto, higit lalo sa ikalawa at ikatlong linggo ng Hulyo.
Significant at favorable years mo naman ang taong kasalukuyan 2024, 2025, 2026 at 2027, lalo na sa buwan ng Agosto hanggang Disyembre, kung saan sa mga taong nabanggit mataas ang tsansa na bigla kang manalo ng malaking halaga sa anumang uri ng pakikipagsapalaran na magiging daan upang maiahon mo na sa kahirapan ang iyong buong pamilya higit lalo kung sa panahong iyon ay malayung-malayo ka na sa bayang iyong sinilangan.
Dagdag dito, ang isa pang bertud na pampasuwerte mo upang tuluy-tuloy kang yumaman at magtagumpay sa buhay, ang paglayo sa sinilangan mong bayan. Tulad ng nasabi na Jho Anne, sa sandaling nagawa mo ang rekomendasyong nabanggit sa itaas, tiyak na nasa malayong lugar mo matatagpuan ang pag-unlad at ganap na kaligayahan hanggang sa ikaw ay tuluy-tuloy na ring yumaman sa edad mong 49 pataas.




Comments