Sobrang lungkot, kabaligtaran ang mangyayari sa totoong buhay
- BULGAR
- Jul 6, 2021
- 1 min read
ni Estrellia de Luna - @Panaginip gabay ng buhay | July 06, 2021
Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Ivy ng Laguna.
Dear Maestra,
Isa akong kasambahay at maayos naman ang kalagayan ko rito sa aking amo. Ang isasangguni ko sa inyo ay ang kaibigan ko na buntis ngayon. Napanaginipan niya raw na nakita niya ang kanyang sarili sa salamin. Malungkot na malungkot siya, tapos pati ang mga kasama niya sa bahay ay malungkot din lahat. Sobra siyang nag-aalala dahil sa panaginip niya. Ano ang ibig sabihin nito?
Naghihintay,
Ivy
Sa iyo, Ivy,
Una sa lahat, natutuwa ako sa iyo dahil may malasakit ka sa kaibigan mo. Bihira ang ganyan, ang iba kasi r’yan ay sarili lamang ang iniintindi. Walang pakialam sa iba at kung mayroon man ay walang ginawa kundi makipagtsismisan sa buhay ng may buhay.
Ang ibig sabihin ng panaginip ng kaibigan mo ay kabaligtaran. Magiging masaya siya sa mga darating na araw dahil magiging maayos ang kanyang panganganak. Dahil dito, matutuwa ang buong pamilya at magkakaroon ng kaunting selebrasyon.
Nagpapahiwatig din ito na isa sa pamilya niya ay susuwertehin. Maaaring ma-promote sa trabaho o kaya naman ay kumita ng malaki sa negosyo. Sabihin mo sa kaibigan mo na huwag siyang mag-alala sa kanyang panaginip dahil maganda naman ang ipinahihiwatig nito. Ingatan niya ang sarili sa kanyang pagbubuntis dahil kaligayahan ang hatid ng batang nasa sinapupunan niya.
Hanggang dito na lang. Salamat sa pagkonsulta mo sa akin. Mag-ingat ka palagi at pagpalain ka nawa ng Dakilang Lumikha.
Matapat na sumasaiyo,
Maestra Estrellia de Luna







Comments