Sobrang apektado sa mga banat… RITA, UMAMING NAGTANGKANG MAG-SUICIDE DAHIL SA MGA BASHERS

ni Vinia Vivar - @Frankly Speaking | February 6, 2021

Napaiyak sa sama ng loob ang aktres na si Rita Avila dahil sa basher na aniya ay tinapakan ang kanyang pagkatao at idinamay pa ang kanyang asawang si Direk FM Reyes.
Nagsalita si Rita at sinagot ang kanyang basher sa video na in-upload niya sa kanyang Facebook page last Thursday.
“Itong araw na ‘to, napakabigat po ng puso ko dahil may isang demonyong sumulpot. Yes, demonyo. Dahil ang tanging gusto lang talaga niya ay makapanakit at tapakan ang pagkatao ko,” pahayag ni Rita.
“Ang ikinagalit ko o ikinasama ng loob ko ay ang pagdamay pa niya sa asawa ko. Pintasan na ng lahat ang karakter ko, ang pag-arte ko, huwag lang idamay ang asawa ko.
“Sinabi nu'ng demonyo na ‘yun na ako ‘yung kulelat sa artehan dito sa Ang Sa Iyo ay Akin (teleserye niya sa ABS-CBN na kasalukuyang umeere at isa sa direktor ang asawa niya). Sige, fine.
“Pero nu'ng sinabi niya na ‘di bale, nandiyan naman ang asawa mo para iangat ka,’ masakit na po ‘yun,” patuloy ni Rita.
Ayon pa sa aktres, a similar thing happened nang magsama sila sa Marinela drama series na ang mister din niya ang direktor. Aniya, “May mga demonyo rin na siniraan kami dahil lang sa relasyon namin.”
She confessed na dahil labis siyang nasaktan sa mga bashers that time ay nagtangka siyang magpakamatay.
“Napakasakit po nu'ng time na ‘yun na ako ay nagtangkang magpakamatay. ‘Di ko kinaya,” saad niya.
Para wala na raw masabi ang mga tao ay hindi na sila nagsama ng mister niya sa isang proyekto nang mahabang taon.
“After so many years, pinagsama ulit kami, and I was just careful dahil baka may mga kung anu-ano na namang sutsot ang mangyari,” saad ni Rita.
Ang Ang sa Iyo ay Akin ay pangatlo pa lang daw nila ulit na soap after Marinella at Magpahanggang Wakas.
Mensahe ni Rita sa mga nagsasabing dahil sa mister lang niya kaya siya nagkakaroon ng proyekto, “Matagal na po akong artista. Sabihin n’yo nang laos ako, fine. Dahil hindi ko naman iniisip, wala akong ilusyon na sikat ako.
“Pero ‘yung para sabihin na kaya naman akong iangat ng asawa ko, huwag ganu’n.”
Pagkatapos nito ay naging emosyonal na si Rita at napaiyak na.
“Maayos kaming magtrabaho, alam nila ‘yan. Hindi po siya ang namimili na ilagay ako sa cast. Management po ng ABS-CBN ang namimili kung sino ang mga artistang kukunin,” paliwanag ni Rita.
Nagbigay din ang aktres ng babala sa mga bashers. Aniya, “Huwag na huwag n’yong bigyan ng dumi ang relasyon namin just because mag-asawa kami at nagtatrabaho kami bilang direktor at aktres. Hindi ko kaya ‘yun. Hindi ko kayo mapapatawad.”
Huling mensahe ni Rita, “Napakabuting tao ng asawa ko. At hindi ako bobong artista na kailangan pang hilahin niya.”





Comments