Soaring Falcons pakay makalusot sa Final 4
- BULGAR

- Oct 30, 2023
- 2 min read
ni Anthony E. Servinio @Sports | October 30, 2023

Mga laro sa Sabado - MOA
9 a.m. UE vs. AdU (W)
11 a.m. FEU vs. DLSU (W)
2 p.m. AdU vs. UST (M)
4 p.m. NU vs. ADMU (M)
Binuhay ng Adamson University ang kanilang pag-asa sa 86th UAAP Final 4 matapos ang pinaghirapang 63-54 panalo sa Far Eastern University Linggo sa Araneta Coliseum. Isang 11-0 na simula ang sapat para wakasan ng Soaring Falcons ang kanilang tatlong magkasunod na talo at umangat sa 4-5.
Inabot ng mahigit 7 minuto bago nakapuntos ang Tamaraws sa shoot ni Jorick Bautista. Lamang ang Adamson sa first quarter, 18-7 at lalong lumayo sa halftime, 40-25.
Biglang nag-iba ang ihip ng hangin at hindi maka-shoot ang Adamson sa fourth quarter at unti-unting dumikit ang FEU. Dalawang free throw lang ang napasok nila bago ang buslo ni John Arthur Calisay na may 51 segundo sa orasan, 60-48.
Nanguna sa Falcons sina Joshua Yerro na may 11 at Joem Sabandal na may 10 puntos. Inilatag ng tambalan ang pundasyon ng panalo sa tig-siyam na puntos sa first half.
Nagtala si Bautista ng 13 sa first half subalit hindi na pumuntos mula roon. Bumaba ang Tamaraws sa 3-6.
Sa mga laro sa Women's Division, tinambakan ng University of Santo Tomas ang De La Salle University, 93-67. Wagi rin ang Ateneo de Manila University sa host at wala pa ring panalong University of the East, 81-66.
Sa gitna ng pagdiwang ng Adamson, pormal na inihayag ng paaralan sa pamamagitan ng kanilang kinatawan sa UAAP Fr. Aldrin Suan CM na hindi na maglalaro si Jerom Lastimosa. Kinumpirma ang resulta ng pagsusuri sa tuhod ng gwardiya at kailangan na siyang operahan na wakas ng kanyang karera sa kolehiyo.








Comments